LONDON (AP) — Sa ika-11 Grand Slam final ni Andy Murray, kakaiba ang sitwasyon ngayon ng Wimbledon. Wala si Roger Federer o si Novak Djokovic sa kabilang dulo ng court.
Makakaharap ng Briton sa championship si Canadian Milos Raonic, sasabak sa Grand Slam final sa unang pagkakataon.
“Obviously, first time I’ll play a Slam final against someone that isn’t Roger or Novak. So, yeah, that’s different,” pahayag ni Murray.
“But you never know how anyone’s going to deal with the pressures of a Slam final. So just have to go out there and concentrate on my side. Do what I can to prepare well for it and see what happens.”
Nakausad sa championship si Murray, ang 2013 champion dito, matapos pataubin ang 10th seeded na si Tomas Berdych, 6-3, 6-3, 6-3.
Nakamit naman ni Raonic ang pagkakataon na harapin si Murray nang silatin ang No.3 na si Federer, 6-3, 6-7 (3), 4-6, 7-5, 6-3.
Bunsod nito, liyamado si Murray na muling maitaas ang prestihiyosong tropeo. Noong 2013, tinanghal siya bilang kauna-unahang Briton matapos ang 77 taon na nagwagi Wimbledon men’s single.
Wala na sa daanan niya si Federer, ang 17-time Grand Slam champion, gayundin ang No.1 na si Djokovic na maagang nasipa sa torneo ni American Sam Querrey.