Nakikipag-ugnayan na si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa tanggapan ng Department of Justice (DoJ) at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa posibleng paglalabas ng watchlists o hold departure orders laban sa mga indibiduwal na isinasangkot sa droga.
Sa sorpresang pagbisita ni Morente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon, sinabi niya na hinihintay lamang niya ang kautusan ng DoJ at ng korte.
Ito’y matapos isapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang akusasyon sa limang heneral na diumanoy nagkakanlong ng mga sindikato sa droga.
Kahapon din ay pinangalanan ng Pangulo ang tatlong aniya’y drug lord na pinoprotektahan ‘di umano ni retired deputy director general Marcelo Garbo – sina Wu Tuan alyas Peter Co, at Herbert Colangco, parehong nahatulan at nakabilanggo sa National Bilibid Prison; at Peter Lim, na nasa ibang bansa at binalaan niyang mamatay kapag bumalik sa Pilipinas.
Ayon kay Morente, sorpresa niyang binisita ang NAIA upang matiyak ang pinakamahusay na serbisyo ng pamahalaan para sa mamamayan. (MINA NAVARRO)