Magiging operational na sa Setyembre ang ‘Hopeline Project’ ng gobyerno na layuning tulungan ang mga dumaranas ng depresyon.
Lumagda na kahapon sa Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Health (DoH), sa pamamagitan ng National Center for Mental Health, at ang Natasha Goulbourn Foundation para sa Hopeline Project, isang 24/7 hotline na maaaring mahingian ng tulong ng mga dumaranas ng depresyon.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial, ang proyekto ay isang phone-based counseling service na available nang 24-oras para magbigay ng tulong sa mga taong depressed.
Ipinaliwanag ng kalihim na nagpasya ang kagawaran na magbukas ng nasabing hotline matapos matukoy na pumapangatlo ang mental health sa tinatawag na triple burden disease.
Sa ilalim ng proyekto, may mga sinanay na counsellor na makikipag-usap sa mga taong dumaranas ng depresyon na tatawag sa hotline.
Ang mga nangangailangan ng karagdagang tulong ay maaaring i-refer sa mga mental health facility, na magbibigay naman ng libreng serbisyo sa mahihirap.
Sa Setyembre ng taong ito magsisimula ang operasyon ng Hopeline, at maaari nang tawagan ang (02)804-HOPE (4673), 0917-558-HOPE (4673), at 2919 na toll free number para sa mga Globe at TM subscriber. (Mary Ann Santiago)