UMAARANGKADA at walang makakapigil sa pagpapakitang gilas sa pag-arte ni Therese Malvar sa sunud-sunod na pagkakapanalo niya sa iba’t ibang awards-giving body sa Pilipinas at sa international stage.
Pinabilib ni Therese ang mga Russian sa kanyang pambihirang pagganap bilang Jinky sa drama film ni Ralston Jover na Hamog, kaya siya ang nagkamit ng Silver St. Georg Best Actress award sa katatapos na 38th Moscow International Film Festival.
Matatandaan na nabigyang pansin din ang kanyang kahusayan sa Amerika, at natanggap niya ang Screen International Rising Star Asia award sa New York Asian Film para sa kaparehong pelikula.
Ang kuwento ng Hamog ay tungkol sa kabataang gumagawa ng krimen upang mairaos ang araw-araw na kahirapan sa buhay.
Gumaganap siya bilang si Jinky, isang batang lansangan na may matatag at matapang na personalidad, at tuso. Binigyang buhay niya sa pelikula ang nakalulungkot na kalagayan ng mga batang lansangan sa lipunang Pilipino.
“I am accepting this award with the honor and pride of being a Filipino. The opportunities being given to me paved the way for this recognition and I’m thankful. Maraming salamat po sa pagkakataon at lalo na po sa mga walang sawang sumusuporta,” pahayag ng 15 taong gulang na artista.
Hangad ni Therese na lalo pang mahasa at mapaghusay ang kanyang kakayahan sa pag-arte sa tulong mga taong sumusuporta at nagmamahal sa kanya.
Bukod sa Hamog, kinilala rin siya bilang Best Actress ng CineFilipino Film Festival noong 2013 para sa kanyang pagganap sa pelikulang Ang Huling Cha-Cha ni Anita, na tungkol naman sa lesbianism. Pinaghalong seryosong paksa na nilapatan ng komedya ang kauna-unahang pelikulang ito ni Therese.
Sinundan ito ng mga pelikula na may malalalim at panlipunang tema katulad ng suspense film ni Kip Oebanda na Tumbang Preso na tungkol naman sa human trafficking, at iba pang mga pelikula tulad ng Child Haus at Sakaling Hindi Makarating.
Si Therese Malvar ay nasa ilalim ng pangangalaga ng GMA Artists Center. (LORENZO JOSE NICOLAS at HELEN WONG)