Kinasuhan ng plunder sa Office of the Ombudsman si dating Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. matapos umanong ibulsa ang P1.1-milyong halaga ng kinita ng Apo Production Unit (APO).

Ang APO ay isang kumpanya ng gobyerno na nag-iimprenta ng mga accountable form at iba pang sensitibong dokumento na nagtataglay ng security mark.

Kabilang sa mga kinasuhan ng Asian Productivity Employees Association (APEA), unyon ng mga empleyado ng APO, ang anim na opisyal ng kumpanya at 11 iba pang sales representative.

Ayon kay APEA President Conrado Molina, nag-ugat ang reklamo sa pagkuha sa serbisyo ng 11 sales representative na tumatanggap ng malalaking komisyon na umabot sa P191 milyon, sa nakalipas na limang taon.

Tawi-Tawi, niyanig ng magnitude 5.0 na lindol

Aniya, ang malaking halaga na ibinayad ay napunta sa bulsa ng mga akusado dahil hindi kailangan ng APO ang serbisyo ng mga sales agent.

Bilang hepe ng Presidential Communication Operations Office, iginiit pa ng APEA na si Coloma ang kumuha ng serbisyo ng mga tinaguriang “sales specialist.” (Jun Ramirez)