Patay ang isang lalaki na inaresto ng mga awtoridad sa pag-iingat ng illegal na droga makaraan siyang barilin ng mga pulis na tinangka niya umanong agawan ng baril habang ibinibiyahe siya ng mga ito patungo sa pagamutan upang ipa-medical check-up sa Sampaloc, Manila, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Ospital ng Sampaloc si Eduardo Bernardo, alyas Doro, nasa hustong gulang, miyembro ng Bahala na Gang at residente ng Sampaloc, dahil sa tinamong dalawang tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni Supt. Aquino Olivar, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 4, nabatid na nangyari ang insidente dakong 1:30 ng umaga sa Fajardo Street, kanto ng Cristobal Street sa Sampaloc.
Ayon kay PO2 Voltaire Yap, bago ang insidente ay nagpapatrulya sina PO1s Rhodel Sta. Ines, Jerwin Rontos at Adonis Cham, sa Algeciras Street kanto ng Simoun Street sa Sampaloc, dakong 11:45 ng gabi kamakalawa sakay sa Mobile Car 308 nang mapansin nila ang ‘tila balisang suspek na walang damit pang-itaas, kaya sinita nila ito.
Nang kapkapan ay nakumpiska ng mga pulis mula kay Bernardo ang isang plastic sachet na may lamang shabu kaya kaagad nila itong inaresto at dinala sa Sibama Police Community Precinct (PCP) upang ipa-blotter.
Bilang bahagi ng standard operating procedure, muling isinakay ng mga pulis ang suspek upang ipa-medical check-up sa Ospital ng Maynila ngunit pagsapit nila sa Fajardo Street ay tinangka umano ng suspek na agawin ang baril ni Rontos, na nagmamaneho ng mobile car.
Mabilis namang kumilos si Sta. Ines at binaril si Bernardo. Mary Ann Santiago