Hiling ng isang kongresista sa Kamara na imbestigahan ang serye ng umano’y extra judicial killing ng mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga na para sa kanya ay “nakaaalarma na.”
Inihain ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat ang House Resolution No. 61 upang hilingin sa kanyang mga kabaro na imbestigahan ang sunud-sunod na summary execution sa mga pinaghihinalaang drug offender.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Baguilat na hindi bababa sa 23 ang drug suspect na napatay ng awtoridad sa hindi malinaw na dahilan simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 30.
Tinaguriang “The Punisher” o “Berdugo” sa dalawang dekada niyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City, mariin ang babala ni Duterte sa mga sangkot sa ilegal na droga sa bansa na posible silang mapatay kung ipagpapatuloy nila ang kanilang ilegal na aktibidad.
Matatandaan na ipinangako ni Duterte noong panahon ng kampanya na uubusin niya ang mga kriminal, lalo na ang sangkot sa illegal drugs, sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan sa pagsisimula ng kanyang termino.
Sinabi ni Baguilat na nakagugulat ang biglang pagtaas ng bilang ng napapatay na suspek sa bansa bago pa man pormal na manumpa si Duterte bilang bagong leader ng bansa noong Hunyo 30.
Mula Enero 1 hanggang Hunyo 15, 2016, umabot na sa 68 ang napatay na drug suspect sa bansa. (Ellson A. Quismorio)