SA kanyang talumpati matapos opisyal na maluklok sa puwesto nitong Hunyo 30, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang ihayag ang ilan niyang polisiya na hindi na niya maaaring ipagpabukas pa. “I direct all department secretaries and heads of agencies,” aniya, “to reduce requirements and the processing time of all applications from the submission to the release.”
May isang ahensiya ng gobyerno na matagal nang kilala sa pagkakaroon ng ganitong serbisyo—ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Noong 1995, sa kanyang pagkakatalaga bilang PEZA director-general, inihayag ni Lilia B. de Lima ang apat na haligi ng tinatawag niyang PEZA Brand, ang “one-stop shop”, “non-stop shop”, “red-carpet treatment”, at “no corruption”.
Dalawampu’t isang taon ang nakalipas, may kabuuang 343 PEZA economic zone ang itinatag ng pribadong sektor sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito ay mga information technology park at center, tourism, agro-industrial, at medical tourism economic zones na nakaaakit sa mga mamumuhunan dito sa bansa at mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Simula 1995 hanggang 2015, ang kabuuan ng mga dayuhang pamumuhunan na ito ay umabot na sa P3.157 trilyon.
Sa ngayon, nasa mga zone na ito ang 3,756 na export-oriented company na bumubuo sa 70 porsiyento ng kabuuan ng mga export ng bansa. Ang PEZA export noong nakaraang taon ay pumalo sa $43.97 billion; ang kabuuan simula noong 1994 ay nasa $606.96 billion. Nagtatrabaho sa mga negosyo sa PEZA ang 1,264,263 katao. Kinilala ng International Finance Corporation-World Bank ang PEZA sa pagiging mahusay sa lahat ng economic zone sa mundo.
Nitong Lunes, inihayag ni Director-General De Lima ang kanyang pagreretiro makalipas ang 21 taon ng serbisyo sa mga administrasyon nina Pangulong Fidel V. Ramos, Pangulong Joseph Estrada, Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at Pangulong Benigno S. Aquino III. Nakipagpulong siya sa katatalagang si Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez bago inihayag ang desisyon niyang magretiro na.
“I order all department secretaries and heads of agencies to remove redundant requirements,” idinagdag ni Pangulong Duterte sa una niyang direktiba sa lahat ng opisyal ng gobyerno sa kanyang inaugural speech. “I order all department secretaries and heads of agencies to refrain from changing and bending the rules.”
Ito ang bagong kaayusan na pinupuntirya ng administrasyong Duterte sa layuning magpatupad ng pagbabago sa operasyon ng maraming tanggapan ng pamahalaan sa nakalipas na mga taon. Ang PEZA sa ilalim ni Director-General De Lima ay isang katangi-tanging kataliwasan sa pangkalahatang pananaw ng kawalan ng kahusayan at palpak na serbisyo. Sa kanyang pagreretiro, mababawasan ang gobyerno ng isang opisyal na matinong maglingkod at wala kahit kaunting bahid ng kurapsiyon.