Ang mga bisita na magtatangkang magdala ng mga armas, droga, gadget at iba pang kontrabando sa loob ng pambansang kulungan ay mahaharap sa 20 hanggang 40 taong pagkakakulung at magmumulta ng hanggang P10 milyon, nakasaad sa isang panukalang batas na inihain sa Senado.

Layunin ng hakbang, Senate Bill No. 46, inihain ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, na mawakasan ang nakababahalang scenario ng mga preso sa New Bilibid Prison (NBP) na nagtatamasa ng pribilehiyo mula sa salapi hanggang sa droga at nagagawa pang magsabong at mag-alaga ng exotic pets.

Sinabi ni Lacson na sasaklawin ng mga parusa sa panukala ang mga pribadong indibiduwal, prison guard at mga opisyal ng kulungan na mapatutunayang nagkasala sa pagpapahintulot ng pagpasok ng mga bagay gaya ng armas, bala, alak, pera, electronics at communication devices – kabilang na ang mga signal jammer – para sa mga bilanggo.

“A stiff penalty is required in this circumstance in order to instill fear and be an effective deterrence to those contemplating of doing this crime in the future,” sabi ni Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

Dating miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato, sumuko na sa ICC?

Ikinalungkot ni Lacson ang patuloy na pagtatamasa ng ilang preso ng mga pribilehiyo na nagbigay ng masamang imahe sa mga awtoridad ng Philippine corrections.

Nakasaad din sa panukala ang mahigpit na regulasyon para sa mga bisitang nagmula sa loob ng NBP. Batay sa kanyang panukalang batas, ang mga taong bumisita sa mga nakakulong sa alinmang prison facility ay kailangang punan ang registration form at magpresinta ng mga valid ID gaya ng passport, driver’s license o voter’s ID. Kailangan din nilang ideklara kung ano ang mga bagay na kanilang dadalhin sa preso. (Hannah Torregoza)