Ang pagkakabunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakasangkot umano ng limang aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa ilegal na droga ay nagpataas sa morale ng buong puwersa ng pulisya sa pagresolba sa problema ng droga sa bansa.
Ito ang reaksiyon ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa nang tanungin hinggil sa posibleng negatibo o positibong epekto ng ibinulgar ni Duterte hinggil sa limang tinaguriang “narco general.”
“Ito ay isang morale booster hindi lamang sa PNP, kundi maging sa buong bansa,” pahayag ni Dela Rosa.
“This is also a strong message on his statement before that there will be no sacred cow, and that he will fearlessly run after anybody who will be involved in the illegal drugs activities,” dagdag niya.
Ginawa ring ehemplo ni Dela Rosa ang pahayag ni Duterte sa Davao City Police noong alkalde pa ito ng siyudad na kung maaktuhan ang sino man sa kanyang mga anak na sangkot sa ilegal na droga ay huwag mag-atubiling pagbabarilin ito.
Nitong Lunes, pinangalanan ni Duterte ang mga retiradong police official na sina Marcelo Garbo at Vicente Loot; at aktibong opisyal na sina Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Edgardo Tinio at Chief Supt. Bernardo Diaz na nagbibigay umano ng proteksiyon sa mga sindikato ng droga.
Sinabi ni Dela Rosa na ang pagkakabunyag ni Duterte sa limang PNP general ay unang bugso pa lamang ng mga kawani ng gobyerno na sangkot sa droga.
Bukod sa mga opisyal ng pulisya, sinabi ni Dela Rosa na may pinanghahawakan ding listahan si Duterte ng mga lokal na opisyal na nasa likod ng pamamayagpag ng ilegal na droga sa bansa. (AARON RECUENCO)