MAGMULA nang maitatag ang Philippine National Police (PNP) noong 1991, umabot na sa 21 ang naupong CPNP at sa bilang na ito, dalawang malaking pagbalasa lang sa buong pamunuan nito ang natatandaan kong naganap – noong naging pangulo ang dating heneral na si Fidel V. Ramos (FVR) at ngayong pag-upo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte (RRD) na umaming may malaking impluwensiya si FVR sa pagtakbo niya bilang pangulo ng bansa.
Taong 1993 nang mapilitang magbitiw sa puwesto at magsipag-retiro sa serbisyo ang 40 opisyales ng PNP bilang pagtalima sa utos ni FVR para magbigay-daan sa pag-upo ng mga mas nakababatang opisyal na mga pulis. Pampataas daw ito ng moral ng buong hanay ng pulisya na noon ay binabato ng mga alegasyon ng kurapsiyon.
Kaya’t masasama man ang loob, ang mga opisyal ng PNP na ito, na karamihan ay sinasabing “Tabako Generals”, ay magkakasunod na lumabas sa serbisyo sa takot na rin marahil sa nakaambang talim ng mga kasong isasampa sa sinumang opisyal na mangungunyapit sa kanilang posisyon.
‘Di pa man nag-iinit sa pagkakaupo bilang pangulo si RRD ay naghalo agad ang balat sa tinalupan sa buong PNP nang balasahin nito ang pamunuan ng mga pulis at palitan ang lahat ng nakaupo sa mga pangunahing posisyon gaya ng ginawa noon ni FVR.
Kung may kamay pa rin o malaking impluwensiya si FVR sa desisyong ito ni RRD ay walang kabuluhang pag-usapan at pagtalunan pa – ang importante rito ay makatulong ang mga pagbabagong ito sa pamunuan ng PNP upang ang buong suporta at tiwala ng mga mamamayan ay muling makuha para mapagtagumpayan ang inilatag ni RRD na pakikibaka sa lumalalang kriminalidad at ang pagsupil sa mga maimpluwensiyang drug lord.
Nakakagulat kasi ang tugon bilang suporta ng mga kababayan natin sa inilatag na pakikipaglaban ng administrasyong ito sa katiwalian sa pamahalaan, kriminalidad at pagkalulong sa droga. Mas marami ang nagbubunyi kahit na tila alanganin ang biglang pagdami ng mga “tinatakpan ng diyaryo” sa mga lansangan na mga drug pusher o kriminal umano.
Ako nga mismo ay nagugulat at sobrang bumibilib sa mga tumatawag, nagte-text at nag-e-email para lang magsumbong o kaya’y ibahagi ang impormasyong alam nila hinggil sa mga illegal na gawain, lalo na tungkol sa droga ng mga taong kilala nila. Paminsan-minsan ay ramdam ko pa ang konting pag-aalangan ng aking mga nakakausap pero saglit lang at todo na ang pagkukuwento nila.
Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o mag-email sa: [email protected]
(Dave M. Veridiano, E.E.)