Kakasuhan ng mga awtoridad ang isang guwardiya na hindi pinayagang makapasok ang mga pulis na rumesponde sa isang kaso ng pagwawala at pananaksak sa Binondo, Manila, kaya’t nakatakas ang suspek sa krimen.

Ayon kay P/Supt. Emerey Abating, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 11, plano nilang sampahan ng kasong obstruction of justice si Ronyl Araneta, 24, guwardiya sa itinatayong 12-storey building, sa 628 Ongpin Street sa Binondo. Ang nasabing gusali ay pag-aari ni Jerik Chua.

Batay sa ulat ng pulisya, tumanggi si Araneta na pagbuksan ng gate ang mga pulis na sina PO1 Jan Hero Jimenez at PO1 Marjun Gimena, na mag-iimbestiga sana sa kaso ng pagwawala at pananaksak na naganap sa itinatayong gusali.

Nauna rito, dakong 9:00 ng gabi nang saksakin umano ng suspek na si Anthony Paraiso, construction worker ng Ironcon Builders, ang kapwa nito stay-in construction worker na si Jerry Kambong, 38.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Romeo Opeña, isa pang construction worker, mula sa ikalimang palapag ng gusali, nakita niya ang suspek na si Paraiso na sinaksak si Kambong sa katawan gamit ang kitchen knife. Nang bumulagta ang biktima sa sahig sa penthouse ay nagsisigaw umano si Paraiso ng, “Sino pa matapang sa inyo?”

Kahit sugatan, nagawang makatayo ng biktima at sa tulong ng ilang kasamahang obrero at ng fire volunteer na si Franz Atutubo, ay naisugod ito sa pagamutan at nakatawag din sila ng pulis upang maaresto ang suspek.

Kaagad na rumesponde ang mga elemento ng Gandara Police Community Precinct (PCP), sa pangunguna ni P/Senior Inspector Leandro Gutierrez, ngunit pagdating nila sa gusali ay hindi sila pinapasok ni Araneta. Ikinandado pa umano ng guwardiya ang gate at kinargahan ang kanyang service shotgun.

Kahit pa umano ang may-ari na ng gusali na si Chua ang nag-utos sa guwardiya na papasukin ang mga pulis ay hindi ito tumalima.

Dahil dito, napilitan ang mga pulis na puwersahang buksan ang gate gamit ang martilyo ngunit pagpasok nila sa loob ay wala na si Paraiso. Narekober sa lugar ang kutsilyong ginamit ng suspek sa pananaksak. (MARY ANN SANTIAGO)