Sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aabot ng kanyang kamay sa mga rebeldeng grupo sa Mindanao sa layuning maisulong ang kapayapaan sa magulong rehiyon.
Inihayag ng Pangulo noong Martes ang tungkol sa inisyal nilang pag-uusap ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari at ang plano niyang bumiyahe sa Jolo para makipagkita sa puganteng lider.
Nagsalita sa 69th anniversary celebration ng Philippine Air Force sa Clark air base Pampanga, inamin ni Duterte na maraming napakahabang digmaan sa Mindanao.
“I’ve been communicating with Nur. Maybe we will go to Jolo and talk to him before we formally agree to talk officially,” sabi ng Pangulo.
“I have my team already. I would not mention them now but they are ready sa government side,” dagdag niya.
Ang puganteng MNLF leader ay nahaharap sa kasong rebelyon kaugnay sa Zamboanga siege noong 2013. Nauna nang nagreklamo ang kanyang grupo na napag-iiwanan sila sa peace process ng gobyernong Aquino sa breakaway group nito na Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Bukod sa MNLF, sinabi ni Duterte na nakikipag-usap na rin siya sa MILF sa pagpapatuloy ng peace process. Lumagda ang nakalipas na administrasyon sa peace accord sa MILF ngunit hindi naipasa ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng Bangsamoro political entity.
Gayunman, maaaring naiiba ang pagharap ng gobyerno sa Abu Sayyaf Group. Nagbabala si Duterte ng napipintong pagtutuos sa grupo na responsable sa mga karahasan kabilang na ang kidnap-for-ransom at mga pagpatay sa katimogan.
“There will always be a time for reckoning and it will come. Maghintay lang kayo,” sabi ni Duterte.
(Genalyn Kabiling)