Dominic copy

HINDI napigilan ni Dominic Ochoa na maluha sa last taping day ng Super D noong Miyerkules sa Our Lady of Victory Church, Potrero, Malabon para kunan ng eksena sa renewal ng kasal nila ng gumaganap na asawa niya sa serye na si Bianca Manalo.

Sa edad nga naman niyang 42 ay naranasan niyang maging bida at superhero pa kaya labis-labis ang pasasalamat niya sa tiwalang ibinigay sa kanya ng ABS-CBN management at Dreamscape Entertainment.

“’Yung tiwala, ‘yung paghihirap nila, ng staff, so, thankful lang talaga. I’m overwhelmed more than nalulungkot,” aniya, tungkol sa pagtatapos ng Super D.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Let’s face it, it could have been Jake (Cuenca), Gerald (Anderson) at ‘yung matitikas nating artista ng ABS-CBN, but I’m so thankful up to now na na’bigay sa atin ‘yun.”

“Pati mga ibinigay na tiwala sa akin ng writers whom I worked pa in May Bukas Pa, tiwala sa akin ng directors, kasi siyempre sila ang magtitiwala sa akin kung anong tono ang kailangan nating sundan, it’s a great responsibility na mabigat.

“Actually, hindi madaling maging superhero, with all the harness, ‘yung init ng summer, ‘yung suit (costume na makapal), hindi naging madali para sa amin lahat ‘yun pero nakayanan naman lahat with the help of everyone.”

Sabi rin nina Direk Lino Cayetano at Direk Frasco Mortiz, napakahirap ng eksenang x kunwari lumilipad si Super D ng pantay dahil kailangan balance ang katawan niya.

“Kaya nga naka-costume rin ng green ‘yung chroma man para alalayan si Super D, dalawa ‘yun, nakahawak sa paa at kamay, takip ang buong mukha nila, kaya hindi talaga madali. Okay pa ‘pag papalipad, nakataas ako kaysa pababa kasi nakatali sa gitna.” 

Puring-puri rin ni Dominic ang mga staff at crew, ang talagang superhero sa Super D para sa kanya dahil sila ang dumadanas ng sobrang hirap sa production. Kaya nga raw siya bumuo ng Instagram account at kinunan lahat ng mga eksena para may remembrance siya.

“Sa mga humihila sa ‘yo behind camera, mga stunt double namin, mga chroma man, piniktyuran ni Direk ‘yun at in-Instagram ko today at makikita ‘yun til the end,” kuwento ng aktor.

Hindi raw madaling magsuot ng costume ng Super D dahil kailangan may suot ka pang isa pang manipis na tela para hindi bumakat ang costume kapag tinanggal.

“Grabe, lalo na nu’ng summer, sobrang dusa kasi ang init talaga, si Marvin (Agustin) nga, nag-low blood siya. Di ba nagsuot din siya, hindi niya kinaya,” kuwento ni Dom.

Tatanggap pa ba ng supporting role si Dominic pagkatapos niyang maging Super D?

“Oo naman, game ako. I’m open to that. Sanay naman tayo du’n. This was just an opportunity that was given to me.

Nami-miss ko ang supporting role.”

Bakit na-miss niya ang supporting role?

“I don’t call it supporting role, most of the roles given to me are character roles, may iba ring twist ‘yung supporting role na mapaglalaruan mo, at walang pressure.”

Open-ending ang Super D kaya posibleng magkaroon ito ng sequel o pagbidahan ng mga susunod na henerasyon.

Kaya ang kantiyaw ni Dominic kay Marco Masa, “O, makikinig ka, kasi ikaw na susunod.”

Nakita namin sa set sina Bianca Manalo, Atoy Co, Marina Benipayo, Bong Regala, at Sylvia Sanchez, pero wala sina Marvin at Jayson Fransciso. (REGGEE BONOAN)