Nagsampa na ng kasong kriminal ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa tatlong Taiwanese na nakuhanan ng P1.55-bilyon halaga ng shabu at mga sangkap sa paggawa nito sa raid sa Parañaque at Las Piñas, kamakalawa.
Isinalang sa inquest proceedings ang mga suspek na sina Shih-Ming Tsai, Kuo-Chan Cheng at Chun-Ming Lin sa sala ni Assistant State Prosecutor Maryjan Sytat dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kapwa kinasuhan sina Tsai at Cheng ng paglabag sa Section 8 (manufacture of dangerous drugs and/or controlled precursors and essential chemicals), Section 10 (manufacture or delivery of equipment, instrument, apparatus and other paraphernalia) at Section 11 (illegal possession) ng RA 9165.
Samantala, kinasuhan naman si Lin ng paglabag sa Section 11 (illegal possession) na may kinalaman sa Section 26(b) (conspiracy) ng RA 9016.
Ayon sa pulisya, sina Tsai at Cheng ay naaresto dakong 6:30 ng gabi nitong Martes makaraang salakayin ng PDEA at Las Piñas City Police ang isang shabu laboratory sa Philam Life Village sa Barangay Pamplona 2, Las Piñas City, sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Fernando Sagun ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78.
Nasamsam sa naturang raid ang P1.55-bilyon halaga ng shabu, 298 kilo ng liquid shabu, at sari-saring laboratory equipment.
Matapos ang isang oras, naaresto naman si Lin sa Unit 10, Executive Village Society, BF Homes, Parañaque City, at nakumpiskahan ng awtoridad ng P5-milyon halaga ng shabu at 24 na balikbayan box na naglalaman ng ephedrine powder, isang sangkap sa paggawa ng shabu. (Jeffrey G. Damicog)