Labing-isang kolorum o out-of-line na pampasaherong sasakyan, kabilang ang isang minamaneho ng isang pulis, ang nahuli sa anti-colorum campaign ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga tanggapan ng transportasyon, sa sorpresang inspeksiyon kahapon ng umaga.
Sinabi ni Crisanto Saruca, hepe ng MMDA Traffic Discipline Office (TDO), na ikinasa ang operasyon dakong 6:00 ng umaga sa apat na lugar sa Metro Manila.
Nahuli ng awtoridad ang anim na Asian utility van (AUV) sa Balintawak; dalawang out-of-line na van sa Mindanao Avenue; isang AUV sa EDSA-Heritage Hotel area; at isang public utility vehicle at isang van sa A. Bonifacio.
Pinangunahan ng MMDA ang operasyon, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Isa sa mga out-of-line na van na pinara ng awtoridad ang minamaneho ni PO3 Divino De Asis Darwin, na nakatalaga sa Makati City police.
Depensa naman ni Darwin, off duty siya kahapon at pawang kapitbahay niya ang kanyang mga pasahero.
Gayunman, sinabi ni Supt. Alex Fulgar, Makati deputy chief for administration, na naka-duty si Darwin kahapon at posibleng papunta na sa trabaho. Isinasailalim na sa imbestigasyon ang pulis.
Ang isa naman sa mga van ay may lumang sticker ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa harap nito.
Dinala naman sa impounding area ng Taytay, Rizal ang mga nahatak na sasakyan.
Sinabi pa ni Saruca na regular na silang magsasagawa ng anti-colorum at out-of-line operations upang wala nang kolorum na sasakyan na mamamasada sa EDSA. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)