Kinondena ni Police Chief Superintendent Edgardo G. Tinio ang pagkakasangkot sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga, kasama ang apat na iba pang retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Sa panayam, iginiit ni Tinio na dapat munang beripikahin ni Duterte ang mga impormasyong kanyang natanggap na nag-uugnay sa limang opisyal ng PNP sa droga.
Bukod kay Tinio, ang mga tinukoy ni Duterte ay sina dating PNP Deputy Director General Marcelo Garbo, Jr., retired Chief Supt. Vicente Loot, Chief Supt. Bernardo Diaz, at Director Joel Pagdilao.
Kasunod nito, hinamon ni Tinio si PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na agad silang imbestigahan.
Ayon kay Tinio, maluwag sa kanyang kalooban na makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon upang malinis ang kanilang pangalan. (Jun Fabon)