Lumobo ng halos dalawang milyon ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2016, ayon sa resulta ng huling survey ng Social Weather Station (SWS).

Sa nationwide survey na isinagawa mula Marso 30 hanggang Abril 2 na sinagot ng 1,500 respondent, lumitaw na 23.9 na porsiyento o tinatayang 11 milyong Pinoy ang walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2016. Ito ay mas mataas ng 21.4 na porsiyento, o halos 9.1 milyong indibidwal, kumpara sa huling tatlong buwan ng 2015.

Tinukoy sa survey ang “joblessness” o kawalan ng trabaho ng mga 18 taong gulang pataas na naghahanap pa rin ng trabaho, o walang trabaho.

Ang mga housewife at retirado ay hindi kabilang sa naturang kategorya.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Lumitaw rin sa survey na umabot sa 12.8 porsiyento o 5.9 milyong Pinoy ang bumitiw sa kanilang trabaho mula sa 9.6 na porsiyento, o 4.1 milyon, noong last quarter ng 2015.

Habang 7.2 porsiyento o 3.3 milyong Pinoy ang tinanggal sa trabaho, mula sa dating walong porsiyento o 3.4 milyon; at 3.8 porsiyento 0 1.8 milyong Pinoy na unang beses na naghahanap ng trabaho.

Mula sa 7.2 porsiyentong na-retrench o tinanggal sa trabaho, 5.6 na porsiyento ay hindi na ni-renew ang kontrata, isang porsiyento ang sinibak, at 0.6 porsiyento ang inabot ng pagsasara ng pinagtatrabahuhan.

Samantala, 39 na porsiyento ng mga Pinoy ang umaasa pa rin na dadami ang job opening sa susunod na 12 buwan, na mas mababa sa 45 porsiyento na naitala sa huling tatlong buwan ng 2015. (Ellalyn B. de Vera)