Nais ni Manila Mayor Joseph Estrada na matanggal sa serbisyo ang bagitong pulis na nagwala at namaril sa Manila Police District (MPD) headquarters noong Linggo ng hapon.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng alkalde na wala siyang anumang galit kay PO1 Vincent Paul Solares, 23, residente ng Tondo, Manila, nakatalaga sa MPD-Station 11.

Batay sa kanyang natanggap na ulat, sinabi ni Mayor Erap posibleng may diperensiya sa pag-iisip si Solares kaya’t hindi na ito kuwalipikado pang manatili sa serbisyo.

Sinang-ayunan naman ni MPD Director Senior Supt. Joel Coronel ang pahayag ng alkalde.

Torre, unang PNP Chief na nakipag-ugnayan sa CHR: 'The CHR is our boss!'

Tiniyak rin nito na rerepasuhin nila ang screening process ng local police force upang maalis ang mga hindi karapat-dapat sa serbisyo.

Paliwanag ni Coronel, dapat maging maingat ang pulisya sa pagtanggap ng mga aplikante upang matiyak na ang mga kuwalipikado lamang ang makapapasok sa serbisyo.

Matatandaang una nang nagwala, namaril at nanira sa MPD headquarters si Solares, dating sacristan, at sinabing nais niyang iligpit si Estrada. (Mary Ann Santiago)