Tadtad ng tama ng bala sa katawan at patay na nang matagpuan ang isang pedicab driver, na sinasabing “drug pusher”, sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Sa pamamagitan ng identification card, nakilala ng pulisya ang biktima na si Marvin Toston, alyas “Burdado,” 40, residente ng Barangay Baclaran ng nasabing lungsod.
Sa ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 2:00 ng madaling araw nakatanggap ng tawag ang opisyal ng Bgy. Baclaran na si Danilo Punzalan hinggil sa bangkay ng isang lalaki na tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na bumulaga sa mga residente sa lugar.
Nakita sa bangkay ang tatlong sachet ng shabu, dalawang pakete ng marijuana at may nakasukbit na karatula sa katawan nito na may katagang: “Tulak ako, huwag tularan.”
Bago matuklasan ang bangkay, apat na hindi kilalang lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang nakita ng mga residente mula sa tinutuluyan ng biktima at ng kinakasama nito sa isang bangketa sa Baclaran kung saan pinaputukan umano nang magkakasunod na beses si Toston na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Dahil kilala umanong “tulak” si Toston sa lugar kaya ipinapalagay ng mga awtoridad na may kinalaman sa droga ang nangyaring pamamaslang. (Bella Gamotea)