BATANGAS CITY - Patay ang isang negosyante na nangunguna sa drug watch list ng Batangas, gayundin ang kanyang anak, matapos umanong makasagupa ng mga awtoridad sa isinagawang raid sa Batangas City.

Kinilala ang mga namatay na sina Julian Carpio, 50; at Julian Carpio Jr., 30 anyos.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 2:00 ng hapon nitong Hulyo 5 nang isagawa ng pulisya ang raid, sa bisa ng search warrant, sa Barangay Calicanto.

Ang search warrant ay inisyu ni Executive Judge Ruben Galvez ng Regional Trial Court, Branch 3, Batangas City.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Nagpaputok umano ang mga suspek at nauwi sa engkwentro.

Kapwa dead-on-arrival sa Batangas Medical Center ang mag-ama, ayon sa report.

May hawak umanong mga grupo ng gun-for-hire ang matandang Carpio at kumikilos sa ikalawang distrito ng lalawigan.

Nabatid pa sa mga awtoridad na sangkot ang mag-ama sa pagpatay sa isa nilang kabarangay.

Narekober umano sa lugar ang dalawang .45 caliber pistol at walong sachet ng hinihinalang shabu. (Lyka Manalo)