Dead on the spot ang isang dalagang dentista matapos pagbabarilin ng dalawang holdaper sa loob ng kanyang dental clinic sa Makati City kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Dra. Raquel Magellan, 38, residente sa Taguig City, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at ibang parte ng katawan buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Sa inisyal na imbestigasyon nina SPO3 Noel Pardinas at SPO2 Rico Caramat, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Makati City Police, pasado 2:00 ng hapon nang mangyari ang panghoholdap sa klinika ng biktima sa No. 9547 Kalayaan Avenue, Barangay Guadalupe Nuevo.
Dumating sa klinika ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo na hindi naplakahan at nagpahayag ng holdap bago pinaputukan ng ilang beses ang dentist. Iginapos naman ng mga holdaper ang kamay ng babaeng assistant ng biktima na hindi na pinangalanan.
Agad tumakas ang mga suspek patungong C5 matapos isagawa ang krimen.
Inaalam pa ng awtoridad kung may natangay ang mga suspek sa lugar gayundin ang pagkakakilanlan ng mga ito.
(Bella Gamotea)