IBINANDERA ng Honda Cars Philippines, Inc. (HCPI) ang nakabibilib na fuel efficiency rating ng mga sasakyan nito na napatunayan sa First Euro 4 Economy Run ng Department of Energy (DoE), kamakailan.

Isinagawa ang eco run upang maging batayan sa pagsukat sa konsumo ng petrolyo sa ilalim ng Philippine Energy Standards and Labelling Program (PELPS), isang mandatory program ng DoE para sa mga vehicle manufacturer, importer at supplier.

Kasama ang ibang automotive brand, isinabak ng HCPI ang mga de-kalidad na produkto nito na kinabibilangan ng City, Civic, Mobilio, HR-V, Jazz, CR-V, Brio at Brio Amaze sa 280-kilometer fuel economy run mula Clark, Pampanga hanggang Tarlac at pabalik.

Inobliga ang mga driver na patakbuhin ang kanilang sasakyan hanggang sa bilis na 80 kilometers per hour lamang at todo-bukas ang aircon.

Probinsya

Lalaking nahaharap sa 26 rape cases, arestado!

Lumitaw sa resulta na kumonsumo lamang ang Jazz 1.5 VX CVT ng 28.69 kilometro kada litro na nagtala ng pinakamataas na efficiency rating sa hanay ng mga sasakyan ng Honda at pinakamataas sa kategorya ng subcompact hatchback.

Inilunsad noong Abril 2016, nagtala ang Civic 1.5 RS Turbo ng 27.56km/L habang ang City 1.5 E CVT ay nagtala ng 26.02km/L.

Samantala, bumulaga rin sa mga participant ang fuel economy result ng Mobilio 1.5 V CVT ng 24.69km/L na pinakamataas sa MPV-gasoline category; HR-V 1.8 E CVT na may 24.82km/L, Number One sa crossover SUV category; CR-V 2.0 S A/T na may 20.59km/L; Brio 1.3 S A/T na may 24.7km/L; at Brio Amaze na may 23.77km/L. (ARIS R. ILAGAN)