Marami pang opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang kasalukuyang isinasailalim sa background check ng awtoridad sa paniniwalang sangkot ang mga ito sa ilegal na droga.
Ito ang babala kahapon ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa kasabay ng pahayag na mayroon pang ibubunyag na mga pangalan si Pangulong Rodrigo sa hanay ng Pambansang Pulisya na umano’y nagbibigay-proteksiyon sa mga drug syndicate.
Aniya, malawak ang intelligence network ng gobyerno kung saan kumukuha ng impormasyon si Duterte na kanyang pinagbabatayan sa paghahain ng kaso laban sa mga bugok na miyembro ng PNP.
“Mas marami pa ang nasa listahan ng Pangulo. Subalit hindi ko muna ihahayag ang karagdagang impormasyon,” sabi ni Dela Rosa sa pulong balitaan sa Camp Crame, Quezon City kahapon.
“Base sa aking obserbasyon, marami pa siyang (Duterte) pangalan na ibubulgar. Hintayin na lang natin,” ani Dela Rosa.
Sa kanyang talumpati sa ika-69 na anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF), isinapubliko ni Duterte ang limang aktibo at retiradong opisyal ng PNP na kanyang isinasangkot sa illegal drugs. Ang mga ito ay sina dating Metro Manila police chief Director Joel Pagdilao, dating Quezon City Police District director Chief Supt. Edgardo Tinio, dating Western Visayas regional director Chief Supt. Bernardo Diaz, retired Deputy Director General Marcelo Garbo, at retired Chief Supt. Vicente Loot, na ngayo’y alkalde na ng munisipalidad ng Daang Bantayan sa Cebu.
Samantala, nakipagpulong sina Diaz, Tinio at Pagdilao kay Dela Rosa sa Camp Crame kahapon upang pabulaanan ang mga alegasyon na sila’y sangkot sa illegal drugs. (AARON RECUENCO)