ISANG espesyal na ulat tungkol sa illegal drugs ang ihahatid ng investigative public affairs program na Reporter’s Notebook ngayong gabi.

Alamin sa two-part special ng Reporter’s Notebook kung paano lumalaganap ang bentahan ng bawal na gamot sa bansa at paano naaapektuhan ang buhay ng mga gumagamit nito. Sa unang bahagi, tatalakayin ng Reporter’s Notebook ang diumano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Philippine National Police sa ilegal na kalakaran.

Tatlong araw bago ang inagurasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang tip mula sa isang concerned citizen ang natanggap ng Reporter’s Notebook: tatlong drug pusher ang kasalukuyang nagtatago sa safe house sa isang probinsya sa Luzon. Sa pagpunta ng programa sa safe house, nakilala sina Michael, Norman at Danilo (hindi tunay na mga pangalan).

Umamin ang tatlo na bahagi sila ng isang sindikato ng droga sa kanilang lugar. Isang financier ang nagsusuplay umano sa kanila ng droga na ibinebenta nila sa kani-kanilang barangay. At para makapagpatuloy sa operasyon, nagbibigay sila ng P30,000 sa pulis kada buwan bilang proteksiyon.

Lolit Solis, sad sa resulta ng eleksyon para kay Bong Revilla

Nais nilang sumuko sa mataas na opisyal ng PNP para isiwalat ang kanilang nalalaman sa bentahan ng droga sa kanilang lugar. Sa kahilingan na rin ng tatlo, agad dumulog kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa ang programa.

Ayon sa datos ng Philippine National Police o PNP, noong taong 2014, umabot sa 23 pulis ang kinasuhan dahil sa pagkakasangkot sa bawal na gamot. Nitong 2015, lumobo ang bilang na ito sa 68. At nito lang Martes, pinangalanan ni Pangulong Duterte ang matataas na opisyal na diumano’y sangkot sa illegal drugs.

Huwag palalampasin ang “Drugs Republic: Reporter’s Notebook Special Report,” ngayong Huwebes (Hulyo 7), pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.