Para sa Department of Health (DoH), lakas-loob na haharapin ng bagong kalihim ng DoH ang mga opisyal ng Simbahang Katoliko, na pangunahing tumututol sa Reproductive Health (RH) Law, upang hingiin ang tulong nito sa pagpapatupad ng programa ng kagawaran sa family planning.
Sinabi ni DoH Secretary Paulyn Jean Ubial sa mga mamamahayag na plano ng kagawaran na mailatag nang maayos ang family planning program nito sa loob ng anim na buwan.
“Women in this country have more children than they want. So in terms of implementing that, we will ensure that the unmet need for family planning becomes zero,” ani Ubial.
Paliwanag niya, hindi mahirap na maisakatuparan ang mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa paglimita sa tatlo sa anak ng bawat mag-asawa, sinabing batay ang nasabing bilang sa estadistika ng DoH.
“That (ang pagkakaroon ng hanggang tatlong anak) is the desired number of children, the average number of children that women of reproductive age want. It is actually 2.7. So, three is the round-off number. So that is actually their desire,” anang kalihim.
Nais ding matiyak ng kagawaran na matutupad ang perpektong pag-aagwat sa panganganak para na rin sa kalusugan ng mga ina at kanilang mga anak.
Gayunman, naglabas noong 2015 ang Korte Suprema ng kambal na temporary restraining order (TRO) laban sa contraceptives.
Dahil dito, sinabi ni Ubial na nais niyang makaharap ang iba pang stakeholder, na hindi lamang kinabibilangan ng mga health worker kundi maging ng mga relihiyosong organisasyon, partikular ang Simbahang Katoliko.
(Charina Clarisse L. Echaluce)