BACOOR, Cavite – Nasawi ang isang lalaki habang 48 iba pa ang nasugatan, pito sa mga ito ang malubha, makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang bus sa bakal na harang hanggang sa tuluyang tumagilid sa pakurbang bahagi ng Cavite Expressway (Cavitex) sa Longos, Barangay Zapote V, sa lungsod na ito.
Kinilala ni PO1 Marvin Rae M. Calaor ang namatay na si Martin Phillip Cailing Sosing, 27, empleyado, at residente ng Roxaco Landing Subdivision sa Nasugbu, Batangas.
Namatay si Sosing makaraang maubusan ng dugo matapos na maputulan ng binti dahil sa aksidente. Dead-on-arrival siya sa ospital.
Sa isang panayam, sinabi ni Calaor na pito sa 48 nasugatan ang dinala sa Saint Dominic Hospital at Bacoor Doctors Medical Center. Kabilang sa kanila ang isang babae na naputulan ng kamay, ayon kay Calaor.
Sakay ang mga biktima sa HBC bus (UYC-381) nang mangyari ang aksidente sa Coastal Road-Cavitex dakong 1:40 ng hapon nitong Martes.
Dinakip ng patrol officers ng Cavitex-Public Estates Authority Tollway Corp. na sina Jayne Rose Tiu Azarcon at Ace Philip Antido Mahayag ang bus driver na si Jayson Garcia Palmero, 30, ng Barangay Sta. Cruz Jermina, Antipolo City, Rizal, at dinala sa himpilan ng Bacoor Police.
Sinabi ni Calaor na galing sa Maynila at biyaheng Nasugbu ang bus nang mangyari ang aksidente. (Anthony Giron)