Batay sa autopsy report sa mga labi ni forward Gilbert Bulawan ng Blackwater, nagtamo ito ng abnormalidad na paglaki ng puso, ayon sa opisyal ng koponan.
Ayon sa panayam kay Blackwater team owner Dioceldo Sy, natukoy sa autopsy na ginawa sa Sanctuarium Chapel ang hindi pangkaraniwang paglaki ng puso ni Bulawan.
“It was an enlargement of the heart,” pahayag ni Sy.
Nawalan ng malay matapos mahirapang huminga ang 28-anyos na si Bulawan sa gitna ng ensayo ng Blackwater. Isinugod ito sa ospital, ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Batay sa autopsy, kumapal ang blood vessel sa puso ni Bulawan, isang kondisyon na ayon sa mga doktor ay bibihirang makita kahit sumasailalim ang pasyente sa regular na checkup.
“Makapal daw ang mga ugat n’ya, that’s what our doctor said, maski ECG di makita, very rare daw ‘yun,” aniya.
Ayon kay Sy, sinagot ng kumpanya ang lahat ng gastusin sa ospital at burol ni Bulawan na magpapaso na ang kontrata sa Blackwater sa Agosto.
Nakahimlay ang kanyang mga labi sa Funeraria Paz sa loob ng Manila Memorial Park sa Sucat Parañaque.
Iginiit din ni Sy na ireretiro nila ang No.11 jersey ni Bulawan sa pagbubukas ng PBA Governor’s Cup.