Ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald Dela Rosa sa pamunuan ng PNP Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) na bantayan ang mga transaksiyon ng ilegal na droga na ginagawa online.
Ayon kay ACG Spokesman Supt. Jay Guillermo, ipinag-utos ng PNP chief ang pagbabantay sa online dahil nangyayari rin ang bentahan ng droga sa Internet.
Sinabi ng ACG na hindi malayo ang nasabing transaksiyon dahil maraming krimen ang ginagawa sa cyberspace.
Ayon kay Guillermo, maaaring maitago ang pagkakakilanlan ng isang suspek online dahil hindi direkta o walang pisikal na transaksiyon sa pagitan ng suspek at ng parukyano nito.
Nauna rito, nagsagawa rin ng surprise drug testing sa mga kawani ng Anti-Cybercrime Group ng PNP. (FER TABOY)