MISTULANG nanggagalaiti si Pangulong Rodrigo Duterte nang pangalanan niya ang limang heneral na sinasabing protektor ng mga drug syndicate sa bansa. Kasunod ito ng kanyang utos sa National Police Commission (Napolcom) na usigin at alamin ang katotohanan laban sa nabanggit na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Maliwanag na ang paglalantad sa nabanggit na mga opisyal ay nakaangkla sa paninindigan ng Pangulo hinggil sa walang puknat na paglipol ng kriminalidad, lalo na ang nakaririmarim na problema sa droga; nais niyang pangalagaan ang Republika ng Pilipinas na winasak umano ng mga sindikato ng ipinagbabawal na gamot.
Mistula rin namang ginimbal ang nabanggit na mga heneral nang sila’y tahasang isinangkot ng Pangulo sa kasumpa-sumpang paglubha ng problema sa kriminalidad na bunsod ng talamak na droga. Kasunod ito ng kanilang mga pahiwatig na ang naturang pahayag ay ibinatay umano sa mga haka-haka at makasariling pananaw ng kanilang mga nasasagasaan sa walang patumanggang pakikidigma sa mga drug lord, pusher at sa mismong mga sugapa sa droga.
Ang ganitong paninindigan, kung sabagay, ay hindi na dapat ipagtaka; ang anumang pagbibintang ay laging may kabuntot na pagpapabulaanan o denial. Hindi ba kahit na sa husgado, ang halos lahat ng demanda laban sa akusado ay may kaakibat na “not guilty plea”? Ibig sabihin, walang agad-agad na umaamin sa pagkakasala. Karapatan nilang ipagtanggol ang sarili laban sa anumang akusasyon.
Dapat ding asahan ang pag-igting ng paninindigan ng Pangulo laban sa krimen, katiwalian at droga. Dapat din niyang pangalanan ang sinasabing 35 opisyal ng local government units – mayor at gobernador – na kasangkot sa droga; kaugnay ito ng ganap na paglipol sa narco politics na salot sa bansa at sa sambayanang Pilipino.
Dapat na ring isunod dito ang paglalantad sa iba pang opisyal ng PNP at ng mismong mga aktibong pulis at police assets na matagal nang kasangkot at nakikinabang sa mga sindikato ng droga. Hindi rin dapat kaligtaan ang mga barangay official na umano’y tuwirang nakikisawsaw sa mapaminsalang bisyo. Siyempre, lalong paigtingin ang pagtugis sa mga drug user na laging naghahasik ng karahasan.
Sa pagpapatupad ng gayong marahas subalit angkop at makabuluhang utos, marapat lamang na mangibabaw ang mga batas na nagpapakilos sa mga mamamayan. Sabi nga: We are governed by law and not of men. (Celo Lagmay)