Tatlong Taiwanese ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos makumpiskahan ng P1.7 bilyong halaga ng shabu at mga sangkap sa paggawa ng droga, sa magkahiwalay na pagsalakay sa Las Piñas at Parañaque City nitong Martes ng gabi.

Idiniretso sa Camp Crame, Quezon City ang mga naarestong suspek na sina Shih-Ming Tsai at Kuo-Chuan Cheng na nangangasiwa umano sa shabu laboratory sa #21 Philamlife Village, Barangay Pamplona Dos, Las Piñas City, dakong 6:30 ng gabi kamakalawa.

Nakumpiska kina Tsai at Cheng ang tinatayang 99 na kilo ng crystalline granule, 298 kilo ng liquid methampethamine hydrochloride na nakalagay sa mga kahon, raw materials at assorted laboratory equipment.

Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Fernando Sagun.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Samantala, dakong 7:30 ng gabi sinalakay naman ng PDEA anti-narcotic agents ang Executive Village Society, BF Homes sa Parañaque City dahilan upang maaresto ang dayuhang suspek na si Chun Ming Lin.

Narekober kay Lin ang 15 plastic ng shabu at 24 na balikbayan box na naglalaman ephedrine powder.

Ayon sa PDEA, ito ang positibong resulta ng “Oplan Firstblood” operation na layuning isadlak ang mga nasa likod ng ilegal na droga. (Bella Gamotea)