CAMP RUPERTO KANGLEON, Palo, Leyte – Dalawang pangunahing drug lord at 150 pang drug personality sa Northern Samar ang sumuko sa pulisya bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa na agarang sumuko ang mga ito kung ayaw mapahamak.

Kinilala ni Northern Samar Governor Jose L. Ong, Jr. ang dalawang pangunahing drug lord sa lalawigan na sina Ramil Mendes, alyas “Anong”; at Joey Galit, alyas Tawewet, kapwa taga-Catarman.

Sinabi ni Ong na si Mendes ay ikatlo habang pangsampu naman si Galit sa drug the watch list ng Catarman Police.

Ayon pa sa gobernador, nasa 150 iba pang sangkot sa droga ang sumuko sa Northern Samar Police Provincial Office sa Catarman simula nang manungkulan sa puwesto si Pangulong Duterte.

Probinsya

5 buwang sanggol, natabunan sa landslide sa Davao City

Samantala, nasa 2,267 nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga ang sumuko rin sa Surigao del Sur nitong Lunes.

Pawang lumagda sa affidavit of undertaking ang nasabing bilang ng mga sumuko at nangakong hindi na muling masasangkot sa anumang aktibidad na may kinalaman sa droga, ayon kay Surigao del Sur Police Provincial Office (PPO) director Senior Supt. Romaldo Bayting.

Nasa edad 15 hanggang 55 ang sumuko, na pawang sumailalim sa documentation process at lecture tungkol sa masamang epekto ng droga.

Sa bayan naman ng Santiago sa Agusan del Norte, 150 iba pang sangkot sa droga ang dumagsa sa lokal na himpilan ng pulisya nitong Martes at Miyerkules para isuko ang kanilang mga sarili.

Sa kabuuan, umaabot na sa 4,000 aminadong nagbebenta at gumagamit ng droga ang sumuko sa awtoridad sa limang lalawigan at anim na siyudad sa Northeastern Mindanao (Caraga region). (NESTOR ABREMATEA at MIKE CRISMUNDO)