Inihayag ni bagong Interior and Local Government Secretary Ismael “Mike” Sueno na gagamitin ng kagawaran ang mga dating vigilante group laban sa ilegal na droga at mga drug syndicate sa bansa.

Ayon kay Sueno, kabilang sa mga dating vigilante group ang “Alsa Masa” at “Nakasaka”, na nakabase sa Mindanao na lumalaban noon sa makakaliwang grupo, na kinabibilangan ng Sparrow Unit ng New People’s Army (NPA).

Aniya, matapos mailatag kay Pangulong Rodrigo Duterte ang planong paggamit ng mga dating vigilante group ay sinang-ayunan niya ito.

Nabatid na ang “Alsa Masa” at “Nakasaka” ang gumaganti sa mga Sparrow Unit na pumapatay sa mga awtoridad.

National

Malacañang, nagpaliwanag sa pag-alis kay VP Sara sa NSC: ‘Not considered relevant…’

Agad namang nilinaw ni Sueno na hindi gagamit ng baril ang nasabing mga vigilante group, kundi gagamitin bilang spy o mata laban sa mga tulak at drug lord.

Kasabay nito, tututukan din ni Sueno ang peace and order katuwang ang mga opisyal ng barangay, dahil ang mga ito ang nakakaalam sa mga taong tiwali sa kanilang lugar.

Tiwala rin ang kalihim na sa loob tatlong hanggang anim na buwan ay malilipol ang matinding problema ng bansa sa ilegal na droga at kurapsiyon, sa pagtutulungan ng Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan.

(JUN FABON)