Isinasapinal na ng Commission on Elections (Comelec) ang timeline tungkol sa mga paghahanda para sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 31, 2016.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, kabilang sa tentative timeline ang paghahain ng Certificate of Candidacy (CoC) at ang registration period, na posibleng itakda mula Hulyo 15 hanggang 31.

Magma-map out din, aniya, ang Comelec ng mga kuwalipikasyon para sa mga nais kumandidato.

Aminado naman si Bautista na maaaring mangailangan ang poll body ng mas malaking budget para sa nalalapit na eleksiyon, dahil kailangan nila ng mas maraming election worker bunsod na rin ng implementasyon ng bagong batas na nagbibigay sa kanila ng mas malaking honoraria.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Sinabi ni Bautista na sa kasalukuyan ay nagtatrabaho ang Comelec sa P1-bilyon budget, ngunit posibleng mangailangan ang eleksiyon ng P5 bilyon hanggang P6 bilyon, na sinabi niyang plano nilang hingiin kapag nagbukas na ang sesyon ng Kongreso.

“Mayroong budget, although ang issue ngayon is ‘yun ding, ‘di ba mayroong ipinasang batas na inaakyat ‘yung honoraria na ibibigay sa ating poll workers? So ‘yun mangangailangan ng supplemental budget na aming hihingin sa Kongreso ‘pag sila ay nag-session,” ani Bautista.

“Manual ‘yung elections, so, mangangailangan ng mas maraming BEIs (board of election inspectors) at poll workers,” paliwanag pa niya.

Sinisimulan na rin ng Comelec ang bidding para sa supplies at equipment na gagamitin sa eleksiyon, kabilang ang 233,500 ballot box at election forms. (Mary Ann Santiago)