SA unang pagkakataon, nagkita rin sina Pres. Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa change of command ceremony ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa Camp Aguinaldo noong Biyernes. Bilang “prim and proper” ngayong siya na ang presidente ng bansa, nanatili pa ring palabiro si Mang Rody dahil bago siya magtalumpati sa harap ng mga pinuno at tauhan ng military, binati muna niya si beautiful Leni at sinabing “This is the first time to meet you personally. I would have preferred to be seating beside you, but the defense (Sec. Delfin Lorenzana) is there.”
Tawanan ang mga tao.
Napakatamis ng ngiti ni VP Leni, parang isang dalagang Pilipina na kaytagal naghintay sa isang manunuyo (lover) na ngayon ay nakapansin din sa kanya. Parang pagliligawan ng isang babae at lalaki na ang babae ay naghihintay sa isang iniibig na lalaki na siya ay mapansin at suyuin. At kinausap nga siya ng bagong Pangulo.
Sa isang punto, nilapitan pa ng machong Pangulo si Leni at inalok ng buko juice (tetra pack) subalit agad ding ibinalik at sinipsip. Malakas ang tawa ni Robredo at ng mga tao na nakasaksi sa nasabing eksena, at isa na rito si PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, na dumalo sa okasyon pagkatapos ng sarili niyang change of command mula sa Camp Crame. Ang bagong Pangulo na isang probinsiyano ay talagang palabiro, pero matigas at determinado laban sa illegal drugs.
Naging maginoo si President Rody kapag isang babae ang kaharap tulad ni Leni na maganda at simple. Nang mag-courtesy call ang biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo kay Digong sa Malacañang noong Lunes, nailathala sa front page ng isang English broadsheet ang larawan ng dalawang “promdi” na ngayon ay mga lider ng bansa. Malaman ang titig ni RRD kay Leni na nakangiti at parang nagpapatsarming pa sa ala-sangganong presidente na may malambot na puso kapag ang kaharap ay babae.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na hindi itinuturing ni Duterte si VP Robredo bilang isang kaaway. Si RRD ay kabilang sa PDP-Laban, samantalang si Leni ay taga-LP nina PNoy at Mar Roxas.
Gayunman, hindi yata talaga bibigyan ng cabinet post ni Pres. Rody si beautiful Leni dahil noon pa man ay ipinahayag ng “sangganong presidente”, este tigasing Pangulo, na ayaw niyang saktan ang loob ng kaibigang si Sen. Bongbong Marcos na tinalo ni Robredo.
Dinunggol ako ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at inulit ang ganito: “Akala ko ba sinabi niyang ‘my friendship with my friends ends where the interest of my country begins’?” Nasabi ito ni Duterte nang mapabalita na nagtatampo umano si Pastor Apollo Quiboloy, kaibigan at political supporter niya, dahil initsapuwera ito sa paghirang sa mga cabinet member ng Duterte admin.
Naniniwala ang kaibigan ko na malaki ang maitutulong ni Leni sa gobyerno ni Digong sa paglutas sa kahirapan at kagutuman at sa pag-angat sa buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan (fringes of society).
Sa dalawang okasyon ng paglilipat ng command sa Camp Crame at Camp Aguinaldo, ilang beses binanggit ni President Rody ang tulong sa kanya ni ex-Pres. Fidel V. Ramos upang siya ay mahalal na pangulo. “Siya ang humikayat sa akin na tumakbo. Siya ang unang tao na nagpunta sa Davao City at kumausap sa akin. Maraming salamat, President Ramos.” Sa change of command sa PNP, pabiro pa niyang sinabi na si FVR and Number one policeman, at sakaling pumalpak ang liderato ng PNP, “Siya ang sisihin ninyo.” (Bert de Guzman)