Hatawan para sa ikatlo ang huling korona ng pamosong Triple Crown ng Philracom ang Radioactive at Dewey Boulevard sa Linggo (Hulyo 10), sa Manila Jockey Club ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nagwagi sa unang leg ng prestihiyosong pakarera ang Radioactive mula sa SC Stockform bago naman nakuha ng Dewey Boulevard ni Hermie Esguerra ang ikalawang yugto.
Sa ikatlong leg, inaasahang nakasentrong muli sa dalawa ang atensiyon ng bayang karerista.
“It will be an interesting final leg of the Triple Crown,” pahayag kahapon ni Philracom Commissioner Atty. Dondon Bagatsing sa Philippine Sportswriters Association (PSA) forum.
Kasama niyang bumisita sina Manila Director of Public Recreations Albert Dichavez, MJC Racing Manager Jose Ramon Magboo, at Manny Santos na siyang pangulo ng Philtobo.
Ang Triple Crown ang pinakamatinding labanan para sa 3-taong island born thoroughbred na nagsimula noong Mayo at pinakahuli ang ikatlong yugto na tatahakin ang layong 2,000 metro.
Limang kabayo ang tatakbo sa huling yugto kung saan makakalaban nina Radioactive at Dewey Boulevard sina Underwood na mula sa Stony Road Horse Farm, Guatema na pagmamay-ari ni Engr. Jun Sevilla at Homonhon Island ni Wilbert Tan.
“The winner will take home a share of the P3-million prize money,” sabi ni Bagatsing sa karera na magiging benepisyaryo ang Erap para sa Mahirap Foundation at ang Oasis of Love Charity Foundation.
Magsisilbing panghimagas sa Triple Crown ang Hopeful Stakes Race na tampok ang Indianpana, Mountain Iglit, Pinagtipunan, Pinay Pharaoh, Real Flames, Secret Kingdom, Space Needle at ang Tagapagmana. Ang magwawagi ay mag-uuwi ng P1 milyon.