SA nakalipas na mga taon ay nakatuon ang mga pag-atake ng mga jihadist sa mga bansang Kanluranin—sa United States at sa Western Europe. Nagsagawa ang Islamic State ng mga pag-atake sa Paris, France, noong Nobyembre ng nakaraang taon, na ikinamatay ng nasa 130 katao. Noong Marso, naglunsad din ng karahasan ang grupo sa Brussels, Belgium, at 30 ang nasawi. Dahil dito, nanawagan pa ang kandidato sa pagkapangulo ng Amerika na si Donald Trump, ng Republican Party, na ipagbawal ang pagpasok sa United States ng lahat ng Muslim refugees.

Gayunman, sa mga huling insidente ay malinaw na hindi ang relihiyon ang pangunahing impluwensiya sa mga pag-atake ng Islamic State. Nitong Martes, namaril at nagpasabog ng bomba ang grupo sa Ataturk International Airport sa Istanbul, Turkey, at 45 katao ang namatay. Ang Turkey ay isang bansang Muslim at nasa hilaga ng Syria, at sa dalampasigan nito dumagsa ang milyun-milyong Syrian refugee sa layuning marating ang Europe lulan sa mga kakarag-karag na bangka.

Nitong Sabado ng gabi, pinatay ng mga Islamist extremist ang 20 dayuhan sa isang restaurant sa Dhaka, Bangladesh, isa pang bansang Muslim at katabi ng India, na dating kilala bilang East Pakistan. Sinabi ng mga saksi na inihiwalay ng mga terorista ang mga dayuhan—karamihan ay Italian at Japanese—mula sa mga Bangladeshi at inatake ang mga ito gamit ang mga patalim.

Kinabukasan, sa Baghdad, Iraq, isa pang estadong Muslim, ay 213 katao ang napatay nang sumabog ang suicide car bomb sa isang pamilihan na noon ay matao dahil maraming naghahanda para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr, o ang pagtatapos ng Ramadan.

Nagsimulang makilala ang Islamic State, na tinatawag na Daesh ng mga tagasuporta nito, nang kubkubin nito ang maraming lugar sa Syria at Iraq, habang ibinabandera ang pagtatatag ng isang pandaigdigang Muslim caliphate.

Kalaunan, iniugnay ito sa pagmamaltrato sa mga grupong minorya sa Iraq at sa pamumugot sa mga mamamayan na Kanluranin na nagbabalita tungkol sa digmaan sa Gitnang Silangan.

Mistulang naging inspirasyon ang grupo ng lahat ng uri ng terorista, kabilang ang ikalawang henerasyon ng mga Amerikanong anak ng mga Afghan na pumaslang sa 49 na katao sa isang gay nightclub sa Orlando, Florida, noong nakaraang buwan. Nauna rito, noong Disyembre, isang mag-asawang may lahing Pakistani ang namaril sa isang county center sa San Bernardino, California, at 14 na katao ang napatay nila. Sa parehong insidente, walang ebidensiya na ang mga pag-atake ay pinlano sa ibang bansa, at ang tanging malinaw ay naimpluwensiyahan ng Islamic State ang mga suspek.

Mayroong mga ulat na lumikha ang Islamic State ng isang lalawigan sa Pilipinas, at sinasabing suportado ito ng Abu Sayyaf, ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at ng Moro Islamic Liberation Front. Matatandaang nagsagawa na rin ang Abu Sayyaf ng pamumugot sa mga bihag nito, gaya ng ginawa ng Islamic State sa Gitnang Silangan.

Nakatutok ngayon ang bagong administrasyong Duterte sa pagbibigay-tuldok sa marami nang taon ng rebelyon ng komunistang New People’s Army at sa pagkilos ng mga sesesyunistang puwersa ng mga Moro sa Mindanao. Sa harap ng serye ng pag-atake sa France, Belgium, Amerika, Turkey, Bangladesh, at Iraq, at ang napaulat na pagtatatag ng Islamic State ng probinsiya sa Pilipinas, mahalagang pagtuunan ng espesyal na atensiyon ang bagong banta na ito sa kapayapaan ng ating bansa.