NAGPUPUYOS sa galit si PDG Ronald “Bato” dela Rosa, Philippine National Police (PNP) chief, nang malamang may siyam na pulis na positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot mula sa kabuuang bilang na 2,405 na aktibong pulis na sumailalim sa mandatory drug testing.

Para kasi kay CPNP Dela Rosa wala ni isa sa mga ito ang dapat tumitikim man lang ng mga ipinagbabawal na gamot dahil walang puwang sa organisasyong kanyang pinamumunuan ang isang adik.

Kaya’t inulit-ulit niya ang babalang kapag nagpositibo sa paggamit ng droga ang isang pulis ay siguradong sibak agad ito sa serbisyo.

Para naman sa mga kagaya kong matamang sumusubaybay sa programang ito ng bagong administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte(RRD)– naliliitan ako sa bilang na siyam lang ang naitalang positibo sa droga mula sa mahigit 2,000 pulis na nagpa-drug test.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mukhang napapalusutan ng matatalino at tusong adik na pulis ang mga laboratory technician na nagsasagawa ng random drug testing. Kung hindi naman sila napapalusutan ay mas sa malamang na kinukutsaba na sila ng mga adik na pulis para maging negatibo sa drug testing, kapalit siyempre ng malaking halaga.

Para-paraan naman umano kung walang “hokus-pokus” ang mga technician. Ang mga pulis na mismo ang nakakaramdam na magkakaroon ng biglang drug testing sa kanilang presinto kaya’t parang mga boy scout ang mga ito na laging handa. May nakatago silang bote na may lamang ihi na hindi galing sa kanila. Kaya pagpasok nila sa lugar na kuhanan ng specimen, isasalin lang nila ito agad sa opisyal na bote ng laboratoryong nagsasagawa ng drug testing at presto – siguradong pasado sila.

Ang basehan ko kasi na konti ang nagiging positibo sa drug testing ay ang mga sumbong na natatanggap ko mula sa mga mambabasa sa pamamagitan ng text, email at tawag hinggil sa mga adik na pulis. Sa dami ng sumbong dito lang sa Metro Manila, siguradong daan-daan ang positibo sa drug testing kapag walang makakapagpalusot.

Isang sumbong na sobrang nanggigil ako at ipinarating ko pa sa mga opisyales ng PNP pero parang wala naman akong na-monitor na nangyari ay ito: Limang pulis sa isang istasyon sa Quezon City ang kitang-kitang sumisinghot ng shabu na galing sa kanilang drawer sa loob ng opisina ng anti-narcotics unit. Ang nakakita ay mga magulang ng mga teenager na hinuli dahil sa panonood ng drag racing sa Fairview.

Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o ‘di kaya’y mag-email sa: [email protected]

(Dave M. Veridiano, E.E.)