MICHAEL CINCO copy

NAGTANGHAL sa unang pagkakataon ang Filipino fashion designer na si Michael Cinco sa kapita-pitagang Paris Fashion Week noong Linggo, Hulyo 3.

Upang ipamalas ang mayamang kultura ng Pilipinas sa mundo, itinampok ni Cinco ang kanyang 30-piece Fall 2016 collection na yari sa mga materyales na matatagpuan sa bansa gaya ng banig, ikat, perlas, pinya, at solihiya.

Itinampok din ni Cinco ang mga gawa niyang gown at dress na barong tagalog at terno-inspired.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nagpasalamat si Cinco sa COUTURiSSIMO at Asian Couture Federation (ACF), na nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang itanghal ang kanyang mga likhang haute couture at ready-to-wear sa tinaguriang “fashion capital of the world.”

“Thank you Lord… Thank you Asian Couture Federation and COUTURiSSIMO… Thank you to ACF President Frank Cintamani and ACF Vice President Emily Hwang for helping me make my dreams come true,” saad niya sa kaniyang Facebook post.

Ang Dubai-based designer, na isinilang sa Catbalogan, Samar, ay nag-aral ng Fine Arts sa University of the Philippines-Diliman bago lumipat sa Slim’s Fashion And Arts School. Upang higit pang paunlarin ang kanyang kaalaman sa fashion, nag-aral din siya sa Central Saint Martin’s College of Art and Design sa London.

Kilala bilang isa sa mga bigating Filipino designer, binihisan na ni Cinco ang mga sikat na artista sa loob at labas ng bansa gaya nila Marian Rivera, Sophia Vergara, Mila Kunis, Lady Gaga, at Beyoncé. (GAEA KATREENA C. CABICO)