NAKAHILIGAN ko ang kape noong bata pa ako, dahil maaga akong gumigising para tulungan ang aking Nanay Curing sa pagtitinda ng hipon at isda sa palengke ng Divisoria sa Maynila.
Hatinggabi pa lamang ay umaalis na kami ng bahay at naglalakad patungo sa subasta ng hipon at isda na siya naming ibinebenta. Bago kami umalis, umiinom kami ng aking nanay ng nilagang kape na siya rin ang naghanda.
Habang hawak ko ang tasa ng kape, pinababayaan kong gumapang ang init sa aking palad, at nilalanghap ang kakaibang aroma nito. Walang katulad ang mainit na kape, lalo na sa malalamig na buwan ng Disyembre at Enero.
Ito ang dahilan kung bakit hinahanap ko ang mainit na tasa ng kape upang itawid ako sa buong araw. Ang kape ang gumigising at nagpapanatiling matalas sa aking isip sa mga pagpupulong, ito man ay tungkol sa pulitika o sa negosyo.
Dinala ko rin ang hilig sa kape maging sa aking mga paglalakbay. Saan man ako magpunta, hinahanap ko ang coffee shop upang humigop ng kape habang pinagmamasdan ang tanawin.
Tinaguriang mahiwagang prutas ang kape nang madiskubre ito sa Ethiopia noong ika-11 siglo, dahil sa katangian nito bilang gamot. Pinatunayan ito ng mga pag-aaral sa siyensiya.
Halimbawa, napatunayan sa mga pag-aaral na mas marami itong taglay na antioxidant kaysa prutas at gulay. Nakatutulong din ito sa paglaban sa sakit sa atay, diabetes, at kanser sa prostate at balat.
Ngunit ang gusto ko sa kape ay ang ligayang idinudulot nito sa aking pakiramdam, kaya siguro napakahilig ko sa kape.
Ang hilig ko sa kape ang nagtulak sa akin upang pumasok sa negosyo ng kape. Kamakailan ay binuksan ko ang ikatlong sangay ng Coffee Project sa Vista Place, Quezon City, ang ikaapat sa Vista Mall Santa Rosa, pagkatapos buksan ang mga sangay sa Alabang at Imus.
Ang unang sangay ay binuksan noong Disyembre 13, 2014 sa ikatlong palapag ng Starmall Alabang, Muntinlupa. Balak kong magbukas ng 12 sangay ng Coffee Project bago matapos ang 2016.
Ginagamit ng Coffee Project ang mga butil ng kape mula sa mga lokal na taniman at maging sa ibang bansa. Sa ganitong paraan, makatutulong ito upang maitaas ang produksiyon ng lokal na kape, na sa kasalukuyan ay umaabot lamang sa 25,000 metro tonelada bawat taon.
Inaasahan ko na magkakaroon ng puwang sa pamilihan ang Coffee Project sa kabila ng kompetisyon, gaya ng Starbucks at Coffee Bean and Tea Leaf. Ang iniaalok ng Coffee Project ay isang magandang karanasan dahil sa masarap na pagkain at mainit at mataas na uri ng kape.
Ang Coffee Project ay mahalagang bahagi ng pagtatayo ng tinatawag kong communicities, na kinapapalooban ng mga komunidad na kumpleto sa mga pasilidad sa pabahay, kalakal at serbisyo na parang isang kumpletong lungsod sa halip na tirahan lamang.
Natutuwa ako na tinanggap ng aking anak na si Camille ang hamon upang magtagumpay ang Coffee Project. Binanggit niya sa akin ang pangangailangan sa magandang disenyo sa loob ng tindahan upang lalong maging kaakit-akit ang mga ito.
Aniya: “Ibig namin na sa pagpasok pa lamang ay maramdaman ng mga tao na naiwan na sa labas ang kanilang mga problema at pag-aalala. Ang Coffee Project ay isang lugar na mapagagaan ang kanilang pakiramdam habang umiinom ng mainit o malamig na kape.”
Sa palagay ko, magandang ideya ito. Sa aking mga paglalakbay, napansin ko na dalawang elemento ang nasa likod ng pinakamatatagumpay na coffee shop—masarap na kape at ambiance. (Manny Villar)