ANG pagrepaso sa conditional cash transfer (CCT) na hinahangad ng Duterte administration – at maging ng mga kaalyado ng pinalitang pangasiwaan – ay isang patunay na may mga kapalpakan ang pamamahala sa naturang programang pangkabuhayan. Sa pamamagitan ng bagong pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), dapat lamang malantad uli ang masasalimuot na implementasyon ng CCT na pinaniniwalaang talamak noong nakaraang pangasiwaan; marapat ugatin kung paanong ginugol ang P60 bilyong pondo nito.

Maaaring may matuwid ang Aquino administration upang ipangalandakan na ang nabanggit na nakalululang pondo ay naiukol sa mga makabuluhang programa. Marami rin umanong maralitang angkan ang naayudahan nito sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); napaglaanan sila ng mga benepisyong pang-edukasyon, pangkalusugan at pangkabuhayan.

Subalit bakit sa SWS survey na ibinatay sa katatapos na administrasyon na lumabas kamakalawa, milyun-milyon pa ring pamilya ang nagugutom ngayon? At bakit laging nakakapit sa CCT ang taguring tagapagtaguyod ito ng kultura ng pamamalimos?

Magugunita na ang CCT funds ay naiuukol sa mga pamilyang halos buong buhay na naninirahan sa mga lansangan. Noon, sila ay dinadala sa mararangyang resort o pasyalan, lalo na kung tayo ay may mga dayuhang panauhin, tulad nang bumisita rito si Pope Francis. Ang mga gusgusing maralita ay hindi dapat madungawan ng mga panauhin upang maikubli ang karukhaan ng lipunan. Muli, maitatanong: Bakit hindi nasayaran noon ng gayong mga benepisyo ang mga maralita sa mga liblib na bahagi ng kapuluan?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pagkakataon ngayon ng Duterte leadership na tiyakin ang makataong pagpapatupad ng CCT program; pantay-pantay ang pagkakaloob ng biyaya sa mga mamamayan, lalo na nga sa mga maralita.

Hindi kailangang ibasura ang CCT. Katunayan, ito ay marapat palawakin upang maging 5Ps (Pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Sa implementasyon nito, ang P60 bilyon o higit pa ay ilalaan sa pagpapatayo ng mga proyektong mapagkakakitaan at makapagbibigay ng trabaho; milyun-milyon pa ring mga kababayan natin ang walang hanapbuhay simula pa noong nakalipas na mga liderato.

Higit sa lahat, kailangang tiyakin ng bagong pangasiwaan na hindi na mauulit ang mga kapalpakang gumiyagis sa CCT funds. (Celo Lagmay)