ANG Eid’L Fitr, na pagtatapos ng banal na buwan ng pagdarasal at pag-aayuno na Ramadan, ay ipinagdiriwang ng komunidad ng Muslim sa buong mundo, kasama ang Pilipinas, ngayong Hulyo 6, 2016, sa pagtanaw sa buwan na hugis suklay. Ito ay isang national holiday sa Pilipinas, na tinatawag ding “Wakas ng Ramadan,” at “Pagkatapos ng Pag-aayuno”, sa bisa ng Republic Act 9177 noong Hulyo 22, 2002.
Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansang nadodominahan ng mga Katoliko na gumugunita sa Eid’L Fitr bilang pampublikong holiday para pagtibayin ang kapayapaan sa lahat ng relihiyon at pagsusulong ng kabutihan sa pagitan ng mga pangunahing relihiyon sa bansa, na Islam ang ikalawang pinakapopular na relihiyon, na mahigit anim na porsiyento ng 100.9-milyon populasyon ang may pananampalatayang Muslim.
Ang pagdedeklara sa Hulyo 6, 2016 bilang national holiday sa pagbibigay respeto sa Eid’L Fitr ay isa sa mga unang opisyal na direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, na naluklok sa puwesto nitong Hunyo 30 ng tanghali.
Pinasimulan ni Propeta Muhammad, ang Eid’L Fitr ay selebrasyon at pasasalamat kay Allah. Ito ay tatlong araw na kapistahan na hudyat ng unang araw ng buwan ng Shawwal, na kasunod ng Ramadan sa kalendaryong Islam. Dumadalo ang mga Muslim sa sama-samang pagdarasal, nakikinig sa Khutba (sermon), at nagbibigay ng zakat al-fitr (kawanggawa sa kapus-palad). Ang mabubuting gawain at pagkakawanggawa ay kabilang sa mabubuting turo sa Islam.
Kilala rin ang Eid’L Fitr bilang Festival of Breaking the Fast, Hari-Raya Puasa, Sugar Feast, Bayram (Bajram), Sweet Festival, at Lesser Eid. Ang salitang “Eid” ay Arabic para sa kasiyahan, selebrasyon, at pagdiriwang. Bawat taon, ipinagdiriwang ng mga Muslim ang dalawang magkaibang Eids—ang Eid’L Fitr at Eid’L Adha o Festival of the Sacrifice pagkatapos ng Hajj o paglalakbay sa Mecca.
Tuwing Ramadan, sinusunod ng mga Muslim ang 30-araw na pag-aayuno simula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, ngunit ang Eid’l Fitr ay isang masayang okasyon, panahon para sa pagkakawanggawa at pagpapatawad. Isinasagawa ng mga Pilipinong Muslim ang ritwal na paghuhugas at pagsusuot ng bagong kasuotan bago dumalo sa pagtitipon sa malalaking lugar, tulad ng mga mosque, gymnasium, at plaza. Dumadalo sila sa mga communal prayer at nakikinig sa khutba sa unang araw ng buwan ng Shawwal, kasunod nito, at pagkatapos ay nagpapalitan ng pagbati na Eid Sa’ id (maligayang Eid) o Assalamu Alaikum! (Kapayapaan sa ngalan ng Diyos!)
Ang mga pagdiriwang ay itinataguyod ng mga komunidad na naghahanda ng masasarap na pagkain, mga kasiyahan, at namimigay ng regalo sa mga bata. Gumugugol ang mga pamilya ng tatlong araw para mapanumbalik o mapag-ibayo ang samahan sa mga kamag-anak at kaibigan. Maaari ring magpadala ng card na may pagbati ng “Eid Mubbarak” na nangangahulugang pinagpalang Eid. Maaaring magbigay ang isang Muslim ng zakat al-fitr kung hindi siya nakapagbigay habang Ramadan. Sa buong mundo, ang karaniwang kaugalian ay ang pagbisita sa mga sementeryo para magbigay-respeto sa mga yumaong kamag-anak.
Ang Golden Mosque at ang Quirino Grandstand sa Maynila, gayundin ang Maharlika Village sa Taguig City ay ang mga lugar na rito dadalo ang mga Pilipinong Muslim para sa enggrandeng pagsasalu-salo, habang sa nadodominahan ng mga Muslim na Mindanao, ay may malaking selebrasyon sa Grand Mosque sa Cotabato City. Ang National Museum of the Philippines, na nagbukas ng pintuan nito sa publiko nang walang anumang sisingilin, ay magdiriwang din ng Eid’L Fitr sa exhibit na “Faith, Tradition, and Place”, na nagtatampok sa Bangsamoro Art mula sa The National Ethnographic Collection.