dick-israel copy

MAGKAKALOOB ng tulong medikal ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City kay Dick Israel, na kabilang sa mga natupok sa sunog sa Bagong Barrio ang bahay nitong Sabado, kasunod ng pagba-viral sa social media ng isang apela para sa dating aktor.

Ricardo Viscarra Michaca ang tunay na pangalan, kabilang din ang wheelchair ng 57-anyos na dating aktor sa mga naabo sa sunog, ayon sa asawa niyang si Marilyn.

Isa sa mga paboritong kontrabida sa showbiz, ibang-iba na ang hitsura ngayon ni Dick, na naparalisa nang ma-stroke noong 2010.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Bilang ayuda ng pamahalaang lungsod, sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na nakikipag-ugnayan ang siyudad sa pamilya ni Dick para sa “stroke rehabilitation” nito sa Caloocan Medical Hospital, kasama na ang regular medical check-up para sa kanya.

Bukod sa tulong medikal, magkakaloob din ang pamahalaang lungsod ng P5,000 sa pamilya ni Dick at sa bawat pamilyang nasunugan.

Kumakalap din pondo ang mga kaibigan ni Dick sa show business, na ang isang fundraising effort ay pinangungunahan ni Vivian Velez.

Matatandaang isang netizen, si Sidemiod Francisco Datanam, ang nanawagan ng tulong para kay Dick sa pamamagitan ng Facebook nitong nakaraang Linggo.

“Sana makatulong tayo kay idol Dick Israel. Nasunugan po siya sa Bagong Barrio [Bgy.] 114. [Please] share,” saad sa post ni Datanam.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa mahigit 3,400 ang nag-share ng post na ito para kay Dick.

Tanyag si Dick noong dekada ’80 at ’90 sa pagganap bilang kontrabida at sidekick sa mga pelikula at sa telebisyon.

Nanalo siya ng dalawang Best Supporting Actor award para sa kanyang pagganap sa Patrolman, isang Metro Manila Film Festival entry; at sa Kanto Boy 2: Anak ni Totoy Guapo, na kinilala ng FAMAS. (ED MAHILUM at GAEA KATREENA CABICO)