Pinagkalooban ng karagdagang kapangyarihan ang dalawang miyembro ng Gabinete, na malinaw na pinakapinagkakatiwalaang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, upang tiyakin ang epektibong serbisyo sa publiko sa ilalim ng tanggapan ng presidente.

Sa bisa ng Executive Order (EO) No. 1, binigyan ng Pangulo ng awtorisasyon si Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. upang pangasiwaan ang mahigit 12 ahensiya ng gobyerno, kabilang ang National Anti-Poverty Commission, National Food Authority, at Housing and Urban Development Coordinating Council upang mapag-ibayo ang mga serbisyong tutugon sa kahirapan sa bansa.

Si Christopher “Bong” Go, ang Special Assistant to the President, naman ang mangangasiwa sa Office of the Appointments Secretary at Presidential Management Staff.

Si Go ay nagsilbing executive assistant noong alkalde pa si Duterte simula 1998. Si Evasco, dating alkalde ng Maribohoc sa Bohol, ang election campaign manager ni Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinirmahan nitong Hunyo 30, sa bisa ng EO 1 ay itinalagang anti-poverty czar ang Cabinet Secretary matapos na ipagkatiwala sa kanya ang pangangasiwa sa maraming ahensiya ng gobyerno na nakatutok sa mga programa laban sa kahirapan.

Nasa ilalim din ng kapangyarihan ni Evasco ang Cooperative Development Authority, National Commission on Indigenous Peoples, National Commission on Muslim Filipinos, National Youth Commission, Office of the President-Presidential Action Center, Philippine Commission on Women, Philippine Coconut Authority, Presidential Commission on Urban Poor, at Technical Education Skills Development Authority. (Genalyn D. Kabiling)