Dalawang hinihinalang tulak ang napatay sa ikinasang drug buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Manila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si alyas “Rashid”, na nasa edad 30-40, may taas na 5’9”, may tattoo sa kanang braso, balingkinitan, semi-kalbo ang gupit, at nakasuot ng puting short at berdeng T-shirt.

Samantala, inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng back-up ng suspek na napatay din at inalarawang nasa hanggang 40 anyos, payat, at nakasuot ng pink at itim na tactical short, at abuhing V-neck T-shirt.

Sa ulat ni SPO4 Noel Villamor, dakong 3:00 ng umaga nang ikasa ang drug buy-bust operation laban kay Rashid sa Quezon Boulevard, malapit sa Isetann Department store sa Quiapo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isang police agent ang nagpanggap na bibili ng 100 gramo ng shabu sa halagang P110,000, ngunit habang nag-aabutan na ng shabu at pera ay nakahalata si Rashid na boodle money ang ibinayad sa kanya ng asset kaya kaagad siyang bumunot ng .45 caliber pistol at tinangkang barilin ang asset.

Alerto naman si PO1 Alexander Dioso at kaagad na nadakma ang baril ng suspek ngunit nanlaban pa rin ito na nagresulta upang mabaril at mapatay.

Napansin naman ng ikalawang suspek ang komosyon kaya bumunot ito ng baril ngunit naunahan at napatay din ng mga pulis.

Narekober ng mga awtoridad mula kay Rashid ang isang .45 caliber Armscor na kargado ng bala, dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na may lamang shabu, at boodle money. (Mary Ann Santiago)