WELCOME, Rody! Goodbye, PNoy! Parang pagpasok ng Bagong Taon at paglisan ng Lumang Taon. Umaasa ang mga mamamayan sa mga pagbabago (“change is coming”) na ipinangako ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) na hindi nila nakamit sa panahon ng “Tuwid na Daan” ng PNoy administration.

Sana naman ay hindi mabigo ang 16.6 milyong katao na bumoto kay President Rody na kilala sa Davao City bilang machong alkalde, palamura at mabangis sa mga kriminal at drug pushers-users, pero malinis ang pangalan sa kurapsiyon at walang pasensiya sa mga taong sangkot sa ilegal na droga, smuggling, at rape. Sana ay masugpo niya, gaya ng kanyang ipinangako, sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan ang salot ng illegal drugs.

Marami ang nagtataka kung bakit hindi idineklarang pista opisyal ang Hunyo 30, ang araw ng inagurasyon ng ika-16 na Pangulo ng Pilipinas. Talaga raw bang ugali ni PNoy na ang ganitong tradisyunal na okasyon ay hindi pinahahalagahan?

Noong panahon ni Fidel Ramos, idineklara niyang pista opisyal ito sa pagpalit sa kanya ni Joseph Estrada. Ganito rin ang ginawa ni ex-PGMA nang si PNoy ang pumalit sa kanya. Maging si Tita Cory na ina niya ay nagdeklarang pista opisyal ito nang palitan siya ni FVR noong 1992.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngayon, hindi na presidente si PNoy. Tutuparin kaya niya ang madalas sabihin noon na siya ay mag-aasawa na? O, ang mga pahayag niya noon ay propaganda lamang at walang kahulugan? Ang binatang pangulo ay 56-anyos na at hinog na hinog para humanap ng makakasama sa buhay. Maraming magagandang babae na naugnay sa kanya noong siya pa ang presidente, pero walang nangyari. Mahirap ang nagsosolo sa bahay.

Sabi nga sa akin ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, kung kina Pareng Erap at President Digong nangyari iyon, siguradong mga tuhog sila. Badya naman ng kaibigan kong senior-jogger, mukhang wala talagang hilig sa babae si PNoy.

Anyway, hindi naman siya malulungkot sa pag-iisa sa Times Street na pina-renovate ng kanyang mga sister, dahil makakasama niyang madalas sina Joshua at Bimby.

Noong siya pa ang pangulo, malimit niyang sabihin na wala siyang panahon sa pag-aasawa dahil gusto niyang mag-concentrate sa panguluhan para sa kabutihan at kagalingan ng sambayanang Pilipino. Pero Mr. ex-President, mismong ang mga Pinoy ang nagnanais na mag-asawa na kayo.

Pangulong Noynoy Aquino, bago magtakip-silim at lubusang maglaho ang liwanag ng araw, ipinapayo ng taumbayan na manligaw na kayo ngayon dahil hindi na nakaatang sa inyong balikat ang bigat ng pananagutan ng isang Punong Ehekutibo! (Bert de Guzman)