Negatibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang isang pulis na nagpaputok ng baril sa loob ng Manila Police District (MPD) Headquarters nitong Linggo ng hapon, matapos siyang arestuhin at isalang sa drug test ng kanyang mga kabaro.
Sa kabila nito, nahaharap pa rin si PO1 Vicente Paul Solares, 23, sa kasong alarm and scandal at malicious mischief matapos siyang isailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutors’ Office kahapon.
Dakong 3:00 ng hapon nitong Linggo nang magwala at magpaputok ng kanyang service pistol si Solares sa loob ng MPD Headquarters, dahilan upang magpatupad ng “lockdown” ang kanyang mga kasamahan.
Ayon sa mga saksi, pinaputukan din ni Solares ang kisame ng gusali bago nanghabol ng mga kapwa pulis.
“Ayaw ko kay Erap! Ayaw ko sa pahirap!” ilang ulit na isinigaw ni Solares habang ipinuputok ang kanyang baril sa ere.
Bago ang insidente, nakunan din si Solares nang tutukan nito ng baril ang isang traffic enforcer sa Sampaloc, Manila.
Kasalukuyang nakapiit si Solares sa detention cell ng MPD General Assignment Investigation Section.
(Betheena Kae Unite)