maxey copy

Bawat sentimo mula sa buwis ni Juan at Juana ay mapupunta sa atletang Pinoy.

Ito ang tiniyak ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Charles Maxey na nagkakaisang panuntunan ng bagong five-man Board sa government sports agency na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

“We’re here to serve the athletes. Kung ano ang para sa kanila, dapat mapunta sa kanila,” pahayag ni Maxey, hindi naitago ang awa sa abang kalagayan ng mga atleta sa kanilang pag-iikot kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

“Pinagsabihan din ni chairman (Ramirez) ang mga atleta at empleyado na magtiis muna at panatilihing malinis ang kanilang mga tinutuluyan at mga palikuran,” sambit ni Maxey, sa edad na 48, ang pinakabatang miyembro ng PSC Board.

Pormal na nagsimula sa kanilang gawain ang bagong PSC Board matapos na tanggapin ni Ramirez ang PSC flag kay outgoing chairman Richie Garcia sa ‘turnover ceremony’ kahapon.

Iginiit ni Maxey na prioridad ng Board na tuldukan ang ‘red tape’ sa PSC at panatilihin ang transparency. Bilang patunay, plano ni Ramirez na imbitahan ang miyembro ng media, gayundin ang simpleng empleyado ng PSC para sa proseso ng bidding, gayundin sa pagrepaso sa mga ‘financial request’ ng National Sports Association (NSA).

Habang isasailalim sa rebisyon ang kasalukuyang panuntunan sa pagbibigay ng buwanang allowance sa mga miyembro ng National Team, nakatuon ang programa ng PSC sa pagpapatibay ng pundasyon sa ‘grassroots’ level.

“Malaki ang potensyal natin sa mga kabataan, kaya ito ang focus naming, particularly kami ni Commissioner Mon Fernandez, talagang susuyurin namin ang mga probinsiya para sa talent identification,” pahayag ni Maxey, dating sports editor sa SunStar Davao.

“Actually, yung template ng programa nabuo na ni chairman noon, at itutuloy lang namin ngayon,” aniya.

Ayon kay Fernandez, isa sa 25 Greatest Player sa PBA, malawak ang mapagkukunan ng talento sa mga lalawigan kaya personal niyang hininge kay Ramirez ang tungkulin na palakasin ng programa sa Kabisayaan, partikular sa Cebu kung saan nagmumula ang mahuhusay na basketball player.

“Ako focus sa Cebu, si Maxey sa Mindanao at sa Davao,” sambit ni Fernandez.

Iginiit ni Fernandez na maraming dapat baguhin para makamit ang minimithing pagbabago at kaunlaran sa sports. At nagpapasalamat siya at naging bahagi siya ng bagong PSC Board na inatasan ng Pangulong Duterte na magsagawa ng paglilinis at isulong ang kapakanan ng mga atleta. (Edwin G. Rollon)