Sinimulan na ng mga transport official ang talakayan sa panukalang alisin na sa mga pangunahing kalsada, gaya ng EDSA, ang mga bus terminal upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni Crisanto Saruca, hepe ng MMDA Traffic Discipline Office (TDO), na nakipagkita na sila sa mga opisyal ng Department of Transportation and Communication (DoTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tungkol sa posibilidad na alisin ang mga bus terminal sa mga abalang kalsada, partikular na sa EDSA.

Aniya, ang panukalang alisin sa EDSA ang mga terminal ng mga bus na biyaheng probinsiya ay makatutulong upang mapaluwag ang trapiko sa lugar, dahil hindi na kailangang pumasok sa Metro Manila ang mga nasabing sasakyan para magsakay o magbaba ng pasahero.

May plano rin na ilipat ang mga provincial bus terminal sa mga iminungkahing centralized bus depot sa hilagang bahagi ng Metro Manila, ayon kay Saruca.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Batay sa datos ng MMDA, mahigit 13,000 bus ang nakikisiksik sa mga kalsada araw-araw, at mahigit 7,000 sa mga ito, o 60 porsiyento, ay nanggaling sa mga lalawigan.

Nakasaad din sa record ng ahensiya na may 85 kumpanya ng bus na biyaheng probinsiya ang nasa Metro Manila, at 46 sa mga ito ay may terminal sa EDSA.

Samantala, hanggang sa ngayon ay wala pang naitatalaga si Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong chairman ng MMDA, na kasalukuyang pinamumunuan ng itinalagang caretaker/custodian na si Amante Salvador. (Anna Liza Villas-Alavaren)