Direk-Wenn-copy copy

ANG sarap basahin ng librong Direk 2 Da Poynt na sinulat bago pumanaw ang direktor na si Wenn Deramas dahil kuwento ito ng mga dinanas niya sa buhay noong nagsisimula pa lang siya hanggang sa narating niya ang tagumpay bilang box office director ng mga pelikulang kumita ng hundreds of millions at balitang may umabot na rin sa isang bilyon.

Star-studded ang launching ng Direk 2 Da Poynt, sayang at hindi na nasaksihan at narinig ni Direk Wenn ang mga papuri sa kanya ng mga nakatrabaho niya sa showbiz at mga dating kamag-aral niya.

Ang dalawang anak niyang sina Gabriel at Rafi ang nag-unveil ng malaking poster ng libro ng daddy nila. Nakakaaliw ang bunso ni Direk Wenn dahil super daldal at mukhang papasukin din ang showbiz pagdating ng araw.

Kahayupan (Pets)

Furbaby na nag-iinarte sa dog food, kinagiliwan

Sabi nga ni Roxy Liquigan, VP ng Adprom ng Star Cinema, “Puwede nang pumasok sa Goin’ Bulilit si Rafi, ‘no?” Pero kaagad sinabi ng kapatid ni Direk Wenn na si Ate Miyam na mag-aaral daw muna.

Tawa naman nang tawa ang lahat sa kuwento ni Pokwang tungkol sa una nilang pagkikita ni Direk Wenn dahil napagkamalan daw siyang bakla, as in. Hindi naman daw siya napikon dahil alam niyang palabiro ang namayapang direktor.

“Si Direk Wenn kasi kapag inookray ka niya, ibig sabihin mahal ka niya, nakaka-miss lang ‘yung pang-ookray niya,” sey ni Pokwang, at idinugtong na pinagdudahan pa ang anak niya na ampon lang kasi hindi naman daw niya kamukha.

At nang malamang buntis na si Pokie sa Amerikanong boyfriend na si Lee O’Brien, “Tuwang-tuwa siya, ‘Finally napatunayang babae ka. So, babae ka talaga. Akala ko ‘yung anak mo, napulot mo lang kaya hindi ko na ipagkakalat na lalaki ka dati.’

“So, nu’ng nabuntis ako, sabi niya sa akin, ‘gagawin natin ‘yung Bakekang, siyempre huwag kang umarte, ikaw si Bakekang, ‘yung anak mo si Crystal (kasi anak ng Amerikano).

“So, hindi ko makakalimutan talaga kay Direk Wenn na noong Clown in A Million na akala talaga niya ay bading akesh.”

Naibahagi rin ni Pokwang na bukambibig daw ni Direk Wenn ang mga anak nitong sina Gabby at Rafi tuwing nagkukuwentuhan sila.

Marami raw talagang natulungang artista si Direk Wenn.

“Direk, saan ka man naroroon, kasama ka sa pagdarasal namin araw-araw, nagpapasalamat kami at nagkaroon kami ng mapagmahal na direktor, nakakatuwa, hihingahan ng mga problema at saka napakatabang utak na ‘yung comedy niya talaga ay nakaka-relate sa masa, hindi mahirap intindihin ‘yung comedy niya, hayun, tawa ka lang nang tawa, nakakaloka siya ng bonggang-bongga. Hindi ka mawawala sa puso namin,” pagtatapos ni Pokie.

Sumunod na nagsalita si Direk Andoy Ranay.

“Matagal na ang friendship namin ni Direk Wenn, nu’ng nasa UST pa lang ako, naging co-actor ko siya ‘tapos ayaw niya sa akin kasi hindi raw ako marunong magpeke ng suntok. Kasi lagi ko siyang nasusuntok sa tiyan niya, may eksena kasing sasapakin ko siya, eh, sinasapak ko talaga siya ng totoo.

“Eh, siyempre, bata pa ako noon, hindi pa ako marunong mag-fake. Sabi niya sa akin, ‘alam mo ayoko kitang kaeksena kasi nananapak ka, doon ka na lang sa iba, sana hindi na kita makasama ulit sa eksena.’ Siyempre, dinamdam ko ‘yun, parang ganu’n ayaw mo sa akin.

“Pero after no’n, kinuha naman niya akong artista sa Maibabalik Ko Lang, sasampalin naman ako ni Daria Ramirez, so parang ‘yung ganti niya, doon niya ginawa na kailangang ma-print sa camera, ‘di ba tarantada?” tawa nang tawang sabi ni Direk Andoy.

“Pero kung hindi dahil kay Direk Wenn, wala ako rito ngayon, sa guidance na ibinigay niya sa akin, sa lahat ng lessons na itinuro niya sa akin habang AD (assistant director) niya ako at unang AD niyang regular simula sa Mula Sa Puso (serye) hindi ko siya makakalimutan, forever. Sa totoo lang, hindi ko pa tapos basahin ‘yung libro kasi mahirap basahin kapag kilala mo ‘yung taong nagsulat ‘tapos wala na siya, hindi mo na makakasama forever, pero alam ko sa puso ko, sa isip ko, sa buong pagkatao ko siya, mahal kita, Direk Wenn,” say ni Direk Andoy.

Present din si Ai Ai de las Alas na nagbahagi rin ang kanyang karanasan sa pakikipagtrabaho sa namayapang kaibigan at direktor.

“Ako naman lahat ng movies ko sa Star Cinema, si Direk Wenn ang nagdirek; Tanging Ina 1, 2 and 3, Volta, Sisterakas, BFF, almost lahat po, siguro siyam, siya po ang nagdirek.

“Sa launching (movie) ko, hindi ko makakalimutan ang sinabi ni Direk Wenn na, ‘nakawin n’yo na lahat, pati boyfriend ko, ‘wag lang ang oras ko. Ibig sabihin, bawal kaming ma-late. Hindi naman talaga ako nali-late, pero nu’ng sa kanya, lalo akong hindi nali-late, kulang na lang maging crew na rin ako sa aga ko, alas singko nandoon na ako para hindi ako ma-late.

“Kakambal ko ‘to, eh,” sabay tingin sa poster ni Direk Wenn, “pareho kaming may psoriasis, wala na ako ngayon, Direk. So sana po tangkilikin natin ‘yung book niya.”

Tumulo ang luha ni Ai Ai bago ulit nakapagsalita.

“Hindi ako makapaniwala nu’ng nawala siya and alam naman niya kung gaano ko siya ka-love at ‘yung mga panahong ‘yun, alam naman niya (paglipat sa GMA-7), pero nagpaalam naman siya, sabi niya, ’bye Nyay’ (tawag ni direk sa kanya), sabi ko, ‘bye direk.’

“Kung nasaan ka man, Direk, alam mo mahal kita, mahirap i-explain ‘yung pagiging magkaibigan natin and congrats sa book mo dahil dream mo rin ‘to. We miss you, I miss you, Direk.”

At si Eugene Domingo na mahal din ni Direk Wenn, “Hi Direk, I miss you at hindi ako natatakot kahit magpakita ka ngayon.

“I think alam naman ng lahat na mabait siya, mapagbigay, matulungin, appreciative, but given all this talks about him, I think that now that he’s not with us anymore, the most important thing to remember him is his true essence.

“Puwedeng maraming nasulat sa libro, I don’t know, I haven’t read it yet, but let’s not forget the true essence of Direk Wenn. He’s generous and all the things that he loves, especially the people that he really, really loved which are most of all above all, his children, to Gab and Rafi kayo ang priority ng daddy ninyo at sa ating mga nagmamahal kay Direk Wenn para ma-extend natin ang pasasalamat sa kanya at sa mga naitulong po natin, ituloy po natin ang pagmamahal sa mga batang ito na mahal na mahal niya.”

Ang Direk 2 Da Poynt book ay mabibili sa lahat ng branch ng National Bookstore, published at exclusively distributed ng VRJ (Vic del Rosario) Publishing, Inc. (REGGEE BONOAN)